PAG-UNLAD, KASALUKUYANG KALAGAYAN AT MGA PROSPEK NG
TEORYA AT PRAKTIKA NG MAOISMO SA PILIPINAS

Kumperensiya hinggil sa Maoismo
Jan van Eyck Academie, Maastricht
05 Setyember 2012

Introduksyon: Kahulugan ng Maoismo

Muling itinatag ang Partido Komunista ng Pilipinas sa teoretikong pundasyon ng Marxismo-Leninismo Kaisipang Mao Zedong noong 26 Disyembre 1968. Mula 1995, upisyal nang ginamit ang Maoismo bilang terminong kasingkahulugan ng Kaisipang Mao Zedong. Ang paggamit ng termino ay bunsod ng pag-angkop sa lenggwahe kaugnay ng Marxismo-Leninismo at hindi sa anupamang pagbabago sa kahulugan o linya kaugnay ng Kaisipang Mao Zedong. Simula noong Setyembre 1993, sa mensahe ng pangulong tagapagtatag ng PKP sa Talakayan hinggil sa Kaisipang Mao Zedong, tinawag niyang mga Maoista ang mga tagapagtaguyod ng Kaisipang Mao Zedong.

Naninindigan ang Partido Komunista ng Pilipinas sa depinisyon nito ng Kaisipang Mao Zedong o Maoismo bilang ikatlong yugto sa pag-unlad ng teorya at praktika ng rebolusyonaryong proletaryado tungo sa ultimong pagkakamit ng komunismo. Ang kasalukuyang yugto ng Maoismo ay nagpapatuloy mula sa naunang mga yugto ng Marxismo-Leninismo, rumerespeto at nagtataguyod sa teoretiko at mga praktikal na tagumpay ng bawat yugto, ibayong pinasasaklaw at pinauunlad at nagkakamit ng mga panibagong tagumpay.

Lumitaw ang Maoismo bilang siyang pinakamataas na yugto ng pag-unlad sa teorya at praktika ng proletaryong rebolusyon sa pamamagitan ng pagkumpronta sa mga suliranin ng modernong rebisyunismo at pagsusulong ng teroya at praktika ng nagpapatuloy na rebolusyon sa ilalim ng diktadura ng proletaryado sa pamamagitan ng rebolusyong pangkultura upang bakahin ang rebisyunismo, maiwasan ang pagpapanumbalik ng kapitalismo at makonsolida ang sosyalismo. Sa dakilang mga tagumpay ni Mao, ang nabanggit na teorya at praktika ang siyang pinakamahalaga. Nagbigay-pag-asa ito sa sosyalista at komunistang hinaharap laban sa imperyalismo, rebisyunismo at reaksyon.

Di maitatatwang tumpak si Mao sa pagtukoy sa rebisyunismo ng mga nangabulok sa poder sa mga sosyalistang lipunan bilang pinakamapanganib sa sosyalismo, at sa paghahapag ng solusyon na nagwagi sa China sa loob ng sampung taon bago ito nagapi noong 1976. Ang pagkawasak ng Soviet Union at ang ganap na pagpapanumbalik ng kapitalismo sa mga bansang pinagharian ng rebisyunismo mula 1989-91 ay nagpatibay sa paninindigan ni Mao kaugnay sa krusyal na kahalagahan at pangangailangan ng pakikibaka sa rebisyunismo at ng teorya at praktika ng nagpapatuloy na rebolusyon sa diktadura ng proletaryado.

Maaaring ituring ang Dakilang Proletaryong Rebolusyong Pangkultura (DPRP) bilang modelo ng katuparan sa kalakhan ng teorya ng nagpapatuloy na rebolusyon sa lipunang sosyalista, tulad ng pagiging modelo rin ng Komuna sa Paris noong 1871 sa makauring diktadura ng proletaryado na nagwagi noong Rebolusyon ng Oktubre 1917. Maaaring manalig ang mga proletaryong rebolusyonaryo na naihanda sila ng teorya kaugnay ng DPRP at ng karanasang nahugot mula rito upang harapin ang mga hamon ng rebisyunismo sa mga lipunang sosyalista.

Saklaw ng Maoismo ang mga mayor na ambag ni Mao sa ibayong pagpapaunlad ng mga saligang sangkap ng Marxismo bilang pilosopiya, ekonomyang pampulitika, at syensang panlipunan na unang inilatag nina Marx at Engels sa panahon ng kapitalismo ng malayang kumpetisyon at sa pagsibol ng modernong proletaryadong industriyal noong ika-19 na siglo. Saklaw din ng Maoismo ang mga mayor na ambag ni Mao sa ibayong pagpapaunlad ng mga naunang tagumpay ni Lenin sa teorya at praktika ng pagpapaunlad ng mga nabanggit na sangkap at sa pagpapatuloy ng dakilang tagumpay nina Lenin at Stalin sa sosyalistang rebolusyon at konstruksyon sa panahon ng modernong imperyalismo at proletaryong rebolusyon.

Sa pilosopiya, may malalim na pag-aaral si Mao sa pagkakaisa ng dalawa bilang pinakasaligang batas sa materyalistang dialektiko. Ipinaliwanag niya ang sala-salabat at magkakaugnay na pagsulong ng teorya at praktika, ang panlipunang praktika (i.e., produksyon, tunggalian ng mga uri at syentipikong eksperimento) bilang pinagmumulan ng kaalaman. Sa ekonomyang pampulitika, ibinatay niya ang kanyang teorya sa kritika ni Marx sa kapitalismo at sa kritika ni Lenin sa modernong imperyalismo, natuto sa karanasang Sobyet kaugnay sa sosyalistang rebolusyon at konstruksyon, at isinulong ang ekonomyang pampulitika ng sosyalismo na naglalayong paunlarin ang naunang karanasan sa sosyalistang rebolusyon at konstruksyon ng Soviet Union.

Sa syensyang panlipunan, tumalima si Mao sa mga turo ng Marxismo at Leninismo na ang pagsusuri sa uri ay inilalapat sa isang makauring lipunan, na ang tunggalian ng mga uri ang siyang susi sa pagsulong ng lipunan at ang tunggalian ng mga uri sa lipunang burges ay hahantong sa diktadura ng proletaryado laban sa burgesya sa pagkakamit ng sosyalismo. Dahil sa pagsusuri sa uri ni Mao sa malakolonyal at malapyudal na lipunan, naipagtagumpay ng Partido Komunista ng China ang demokratikong rebolusyon ng bayan nang may tumpak na programa at estratehiya at taktika, at nakasulong sa sosyalistang rebolusyon.

Kasunod nito, naipakita ang tamang paghawak sa mga kontradiksyon sa gayong lipunan dahil sa kanyang pagsusuri sa lipunang Tsino sa panahon ng sosyalistang rebolusyon at konstruksyon. Idiniin niya ang Leninistang tesis na ang mga uri at tunggalian ng mga uri ay magpapatuloy sa sosyalistang lipunan, na tataas nang laksang-ulit ang paglaban ng mga nagaping burgesya, na mangangailangan ng isang yugto sa kasaysayan para magapi nang lubusan ng proletaryado ang burgesya. Bihasa siya sa pagkilala sa banta ng modernong rebisyunismo sa China at sa pangangailangan para sa teorya at praktika ng nagpapatuloy na rebolusyon sa ilalim ng diktadura ng proletaryado.

Idiniin ni Mao ang pangangailangan at kahalagahan ng pamumuno ng uring manggagawa sa pamamagitan ng Partido at ng saligang alyansa ng uring manggagawa at magsasaka sa bagong demokratikong rebolusyon. Inihapag niya na ang malakolonyal at malapyudal na lipunan ay nasasadlak sa palagiang krisis, at ang malaking populasyon ng magsasaka sa kanayunan ang nagsisilbing batayan para sa etratehikong linya ng matagalang digmang bayan at pagtatayo ng rebolusyonaryong mga organo ng kapangyarihang pampulitika kahit nananatili pa sa pusisyon ang reaksyunaryong estado sa kalunsuran.

Ibayo niyang pinaunlad ang Leninistang teorya at praktika ng pagbubuo ng Partido at isinulong ang kilusang pagwawasto bilang kampanyang edukasyong pinadadaloy sa kilusang masa para iwasto ang mayor na mga kahinaan at palakasin ang Partido sa pamamagitan ng pag-aangat ng rebolusyonaryong kamulatan at kakayahan ng Partido at ng masa. Ang kilusang pagwawasto sa Partido ang nagsilbing binhi sa pagkakabuo ng rebolusyong pangkultura sa sosyalistang lipunan.

Ipinaliwanag ni Mao na ang burgesya, matapos pagkaitan ng karapatang ligal at pulitikal na pribadong magmay-ari ng mga kagamitan sa produksyon ay bumabaling sa larangan ng kultura upang makapanatili at makapagrekluta kahit sa hanay ng mga anak ng mga anakpawis na nakapag-aral sa sosyalistang sistema. Ang larangan ng kultura ay nagiging punlaan ng burges na suhetibistang mga ideya, rebisyunismo at pagkabulok, kung hindi magsasagawa ng walang humpay na serye ng mga proletaryong rebolusyong pangkultura.

Dahil mulat sa pagsulpot ng modernong rebisyunismo sa larangan ng kultura at pagkatapos ay sa pulitika sa superstruktura sa Soviet Union, isinulong ni Moo ang teorya at praktika ng nagpapatuloy na rebolusyon sa diktadura ng proletaryado sa pamamagitan ng Dakilang Proletaryong Rebolusyong Pangkultura mula 1966 hanggang 1976. Kabilang dito ang proseso ng rebolusyunisasyon ng mga relasyon sa produksyon at ng superstruktura sa pamamagitan ng kilusang masang pinamumunuan ng proletaryado at ng Partido nito.

I. Pag-unlad ng Maoismo sa Pilipinas

Bago ang muling pagtatatag ng Partido Komunista ng Pilipinas noong 1968, kaming mga proletaryong rebolusyonaryo sa Pilipinas ay tumalima sa turo ni Lenin na di magkakaroon ng rebolusyonaryong kilusan kung walang rebolusyonaryong teorya, at ang pangunahing rekisito sa pagbubuo ng Partido ay ang pagbubuo sa ideolohiya. Inilapat namin ang rebolusyonaryong teorya ng Marxismo at Leninismo sa pagsusulat ng mga saligang dokumento ng Kongreso ng Muling Pagtatatag: Iwasto ang mga Pagkakamali at Muling Itatag ang Partido, ang Konstitusyon ng Partido at ang Programa para sa Demokratikong Rebolusyon ng Bayan.

Binasa at pinag-aralan namin ang mga akda nina Marx, Engels, Lenin, Stalin at Mao, kabilang ang Communist Manifesto; Das Kapital; Wages, Prices and Profit; Anti-Dühring; Critique of the Gotha Program; Civil War in France; What Is to Be Done; Materialism and Empirio-Criticism; State and Revolution; Two Tactics of Social Democracy; “Left Wing” Communism: An Infantile Disorder; Imperialism: The Highest Stage of Capitalism; Foundations of Leninism; Short History of the CPSU; Selected Works of Mao Zedong; the Polemics on the General Line of the International Communist Movement; ang maliit na Red Book ng mga sipi mula kay Mao; at mga mayor na dokumento ng Dakilang Proletaryong Rebolusyong Pangkultura.

Nais namin intindihin ang Marxista-Leninistang pilosopiya, ekonomyang pampulitika, syensyang panlipunan, ang kasaysayan ng internasyunal na kilusang komunista, at ang estratehiya at mga taktika ng mga rebolusyong Ruso at Tsino. Sa tulong ng teoretikal na pag-aaral, sinikap naming unawain ang kasaysayan at kalagayan ng daigdig, ng Pilipinas at ng lumang Partido Komunista ng Islas de Pilipinas na itinatag noong 1930 at nakipagsanib sa Partido Sosyalista noong 1938. Binasa at pinag-aralan namin ang mga dokumento ng lumang partido komunista bago at pagkatapos ang pagsanib nito sa partido sosyalista.

Ginamit namin ang teorya ng Marxismo-Leninsimo-Kaisipang Mao Zedong bilang gabay sa rebolusyonaryong gawain. Itinuturing namin ang Kaisipang Mao Zedong na bunga ng mahabang rebolusyonaryong karanasan ng proletaryado ng daigdig sa gabay ng Marxismo-Leninismo, at bilang siyang pinakabago, pinakakomprehensibo, pinakamalalim at pinakaepektibong instrumento sa pagsusuri sa kasaysayan at mga sirkunstansya ng sambayanang Pilipino at sa paglalatag ng mga tungkulin upang tuparin ang demokratikong rebolusyon ng bayan para sa paghahanda sa sosyalistang rebolusyon.

Isinanib namin ang Maoismo sa mga kongkretong kalagayan ng Pilipinas at sa mga kongkretong praktika ng rebolusyong Pilipino. Sa ganitong usapin, inilapat namin ang materyalistang diyalektika at pagsusuri sa uri sa paglalagom at pagsusuri sa kasaysayan ng sambayanang Pilipino, sa pagtukoy ng mga saligang katangian ng lipunang Pilipino at sa pagkilala sa pangangailangan para sa demokratikong rebolusyong bayan. Malinaw itong nilaman ng mga batayang dokumento ng Kongreso ng Muling Pagtatatag at ibayo pang pinaunlad sa aklat ni Amado Guerrero, ang Lipunan at Rebolusyong Pilipino, na unang inilimbag sa anyong mimyograp noong 1969 at pagkatapos sa ilan pang edisyon at mga pagsasalin hanggang ngayon.

Binigyang-inspirasyon at pinatnubayan kami ng pagsusuri sa uri ni Mao sa malakolonyal at malapyudal na lipunan. Kaya nailinaw namin ang pangangailangan para sa demokratikong rebolusyong bayan, sa makauring pamumuno ng proletaryado, sa batayang alyansa ng mga manggagawa at magsasaka laban sa magkasanib na diktadura ng malalaking burgesya kumprador at uring panginoong maylupa na nangangayupapa sa dayuhang monopolyo kapitalismo, sa patakaran sa pakikipag-isang prente, sa estratehikong linya ng matagalang digmang bayan, at sa sosyalistang perspektiba.

Sa tulong ng mga turo ni Mao hinggil sa pagbubuo ng Partido, ng hukbong bayan at nagkakaisang prente, nalagom at nasuri namin ang kasaysayan ng lumang Partido Komunista. Pinuna namin ang depektibong pundasyong ideolohikal ng pinagsanib na mga partidong komunista at sosyalista at pangunahin, ang burges na suhetibismo at mga mayor na Kanan at “Kaliwang” oportunistang kamalian ng magkakasunod na magkakapatid na Lava na naging mga pangkalahatang kalihim ng Partido. Sa huli, nagpasya kaming humiwalay sa lumang partido at ilunsad ang tinatawag na Unang Dakilang Kilusang Pagwawasto noong 1967 (UDKP) na naglatag ng batayan para sa muling pagtatatag ng Partido Komunista noong 1968.

Inilabas namin ang mga batayang dokumento ng kilusang pagwawasto, ang Iwasto ang mga Kamalian at Muling Itatag ang Partido, kapwa para punahin at itakwil ang mga kamalian ng mga rebisyunistang Lavang taksil at iproklama ang kagyat na pangangailangan ng paglulunsad ng digmang bayan ayon sa pangkalahatang linya ng demokratikong rebolusyong bayan laban sa imperyalismong US at mga lokal na mapagsamantalang uri ng malalaking kumprador at panginoong maylupa. Binuo namin ang tatlong dakilang sandata ng rebolusyon, ang Partido bilang sulong na destakamento ng proletaryado, ang rebolusyonaryong armadong pakikibaka batay sa alyansang manggagawa at magsasaka, at ang nagkakaisang prente ng mga patriyotiko at progresibong pwersa.

Pinuna at itinakwil namin ang Kanang oportunistang linya ni Vicente Lava, na may pananagutan sa pagbibiyak-biyak ng hukbong bayan sa maliliit na armadong pangkat na may lima lamang na myembro, sa ilalim ng patakarang “umatras para magtanggol” noong 1942, na lumikha ng pesimismo at pagkapasibo noong panahon ng digma laban sa Japan, sa pagpapailalim sa hukbong bayan sa estratehikong plano ng US na muling sakupin ang Pilipinas at pagkatapos, ng pagsalubong sa muling pagsakop ng US noong 1945, sa pagpapaalingawngaw sa islogan ng “kapayapaan at demokrasya” ni Browder ng Partido Komunista ng USA, at sa pagbaklas sa hukbong bayan upang lumahok sa parlamentong pakikibaka sa balangkas ng papet na republika noong 1946.

Pinuna at itinakwil namin ang “Kaliwang” oportunistang linya ni Jose Lava, na nanawagan ng paglulunsad ng “lahatang-panig na armadong pakikibaka” at ng “pagkakamit ng tagumpay sa loob ng dalawang taon”, na hindi nagbibigay-pansin sa masikhay na gawaing masa at reporma sa lupa, sa pagpapalaki ng tinatawag na “geometrikong pagsulong” ng hukbong bayan dulot ng lumalaking pagkamuhi ng mamamayan sa korupsyon ng rehimeng Elpidio Quirino noong 1949, sa pagpapabase sa pangunahing pwersa ng hukbong bayan sa mga kulumpon ng mga hiwa-hiwalay na kampo sa lugar na walang tao sa bulubundukin ng Sierra Madre, sa paglulunsad ng isang bugso ng opensiba at sukdulang pagkabigong igpawan ang mga kontra-opensiba ng kaaway sa kalagayang lantay militar.

Pinuna at itinakwil namin ang “Kanang” oportunistang linya ni Jesus Lava, na nag-atas ng pagtransporma sa hukbong bayan tungo sa mga “brigadang pang-organisasyon” para sa parlamentaryong pakikibaka noong 1955, sa paglikida sa mga sangay ng Partido noong 1957, sa pagtatanggal ng mga lider ng partido sa mga natitirang yunit ng hukbong bayan at sa pagkabigong likhain kahit ang ligal na kilusang masa. Nang umanib kaming mga proletaryong rebolusyonaryo sa lumang Partido Komunista noong 1962, wala na ni isang nakatayong sangay ng Partido. Kami ang nagbuo ng mga sangay ng Partido sa mga lokalidad at mga grupo ng Partido sa mga organisasyong masa noong dekada 1960.

Naglatag ng matibay na batayan sa gabay ng Kaisipang Mao Zedong ang Unang Dakilang Kilusang Pagwawasto sa pagbalangkas ng Programa ng Demokratikong Rebolusyong Bayan, at sa Konstitusyon ng Partido Komunista ng Pilipinas. Sa paghahanda sa pagbubuo ng Bagong Hukbong Bayan noong 29 Marso 1969, humugot kami ng inspirasyon sa matatagumpay na digmang bayan sa China at sa gera para sa pambansang paglaya ng Vietnam upang balangkasin ang Mga Tuntunin ng Bagong Hukbong Bayan. Pinuna at itinakwil namin ang pangkating gangster na Taruc-Sumulong sa pag-agaw ng awtoridad sa mga labi ng lumang hukbong bayan maging sa pagpapalaganap ng kaisipan at praktika ng mga rebeldeng lagalag.

Nakaugnay ang proseso ng muling pagtatatag ng PKP sa pandaigdigang proletaryong rebolusyon at sa pakikibaka sa imperyalismo, modernong rebisyunismo at lahat ng reaksyon. Itinaguyod namin ang Marxismo-Leninismo laban sa modernong rebisyunismo, na unang niyakap ni Khrushchov at ng sumunod sa kanyang si Brezhnev. Sapat ang kabuuang kaalaman namin sa pang-ideolohiyang debate sa pagitan ng Partido Komunista ng China at ng Partido Komunistang Sobyet. Nakahiligan naming basahin at talakayin ang polemiko (pagtutungali sa linya) sa pagitan ng dalawang partido. Pumanig kami sa Marxista-Lenistang anti-rebisyunistang pusisyon ni Mao at ng Partido Komunista ng China.

Pinag-aralan namin kung paano umunlad at nangibabaw ang modernong rebisyunismo sa Soviet Union at iba pang partidong komunista sa Eastern Europe at sa ibang lugar, at kung paano sumibol sa China ang panganib ng modernong rebisyunismo. Sa gayong pundasyon, kinilala namin ang teorya at praktika ng Dakilang Proletaryong Rebolusyong Pangkultura. Dinala namin ang Marxista-Leninstang pusisyon laban sa modernong rebisyunismo hindi lamang batay sa pag-aaral ng mga pangyayaring may kinalaman sa ibang bansa kundi batay sa pakikibaka sa mga taksil na rebisyunistang Lava na kumikilos sa impluwensya ng modernong rebisyunismong nakasentro sa Soviet Union.

Mula 1963, pinuna at itinakwil namin ang burges-populistang ideya ni Khrushchov na “partido ng buong sambayanan” at “estado ng buong sambayanan” na nagkakaila sa proletaryong katangian ng partido at estadong Sobyet; at sa kanyang burges-pasipistang pananaw, tulad ng “mapayapang transisyon tungong sosyalismo” na nagkakaila sa pangangailangan ng rebolusyonaryong dahas laban sa kontra-rebolusyonaryong dahas, sa “mapayapang pang-ekonomyang kumpetisyon” na nagbibigay-diin sa pakikibakang pang-ekonomya kaysa sa pakikibakang pampulitika at sa “mapayapang pakikipamuhay” na pinangingibabaw bilang pangkalahatang linya ng internasyunal na kilusan at hindi simpleng patakarang sumasaklaw sa diplomatikong relasyon ng mga sosyalistang estado sa iba pang estado, anuman ang ideolohiya at sistemang panlipunan.

Hinadlangan ng mga rebisyunistang taksil na Lava ang puna sa mga seryosong oportunistang kamalian ng magkakapatid na Lava mula 1942 pasulong, at ginamit ang ideya ni Khrushchov na “mapayapang transisyon” upang suhayan ang kanilang pusisyon na dapat may walang taning na ligal na pakikibaka na magbubunsod sa pangkalahatang opensiba sa porma ng mga pag-aalsa. Dinala ng mga proletaryong rebolusyonaryo ang pusisyon na ang ligal na kilusang masa–laluna sa mga manggagawa at magsasaka na nasimulan na nilang paunlarin–ay dapat magsilbing batayan para sa pag-oorganisa ng hukbong bayan at sa pagsisimula ng digmang bayan. Iginiit namin na ang malakolonyal at malapyudal na lipunan ay nasa talamak na krisis at na ang kanayunan at ang mga magsasaka ay makapagbibigay ng pisikal at panlipunang kalupaan para sa pagbubuo ng hukbong bayan at sa yugtu-yugtong pagtitipon ng lakas ayon sa turo ni Mao hinggil sa estratehikong linya ng matagalang digmang bayan.

Pinag-aralan namin kung paano nilabag ng mga rebisyunistang Khrushchovista ang sosyalistang paraan sa pamamagitan ng pagdesentralisa sa ekonomya at paglikha ng nagsasariling empresa at kolektiba at may pananagutang indibidwal para sa pagtutuos ng gastos at tubo, at kung paano naman taliwas na muling sinentralisa ng mga rebisyunistang Brezhnevista ang mga mayor na empresa ayon sa linya sa monopolyo kapitalista ng estado upang tiyaking may pondo at kakayahan ang sentral na gubyerno na sumabak sa paligsahan sa armas. Pinag-aralan namin kung paano naitayo ang sosyalistang sistema at kung paano ito nilalansag ng mga rebisyunista sa larangan ng pilosopiya, ekonomya, pulitika, militar at kultura.

Ang Kongreso ng Muling Pagtatatag ng PKP noong 1968 ay dinaluhan ng labindalawang delegado (isang in absentia) na kumatawan sa di kukulangin sa 80 kadre at kasapi ng Partido. Pinamumunuan nila ang daan-daang masang aktibista na inihahandang maging kasapi ng Partido, karamihan sa kanila ay namumuno sa kilusang paggawa at mga organisasyong masa ng maralitang-lunsod, magsasaka, kababaihan, kabataan, propesyunal at mangagawang pangkultura. Hindi bababa sa 30,000 ang kabuuang bilang ng organisadong baseng masa sa lunsod sa pambansang saklaw. Nadagdagan nang daan-daan ang kasapian ng Partido mula 1968 hanggang 1971, umabot sa 2,000 noong 1972 at 4,000 noong 1974. Karamihan ng kasapian ng Partido ay galing sa kilusang paggawa, samahan ng mga maralitang-lunsod, at organisasyon ng mga magsasaka, at sa Kabataang Makabayan.

Itinatag ng Partido ang Bagong Hukbong Bayan noong Marso 29, 1969 sa pagsasanib ng mga rebolusyonaryong proletaryado at ng mga mabubuting elemento ng lumang hukbong bayan na kumalas sa bandidong grupong Taruc-Sumulong. Nagbase ang sentral na pamunuan ng Partido sa ikalawang distrito ng Tarlac kung saan sa ilang munisipalidad ay may 80,000 baseng masa ang mabubuting labi ng lumang hukbong bayan. Dito nagsimula ang Bagong Hukbong Bayan na may 60 Pulang mandirigmang armado lamang ng siyam na ripleng awtomatik at 26 na mababang kalibre ng armas. Sa kabila ng pagsisimula sa wala, mataas ang aming pag-asa dahil sa pagiging makatarungan na aming rebolusyonaryong adhikain at dahil inspirado kami ng mga aral ni Mao na kami ay lalaki mula sa maliit at lalakas mula sa mahina.

Naghiwa-hiwalay ang mga kadre at armadong yunit pampropaganda ng Partido upang maggawaing masa sa kanayunan ng Tarlac at kalapit na prubinsya. Bumuo sila ng mga komiteng pang-organisa sa mga baryo bilang pansamantalang organo ng kapangyarihang pampulitika. Nagtatag sila ng mga rebolusyonaryong organisasyong masa ng mga aktibistang manggagawa, magsasaka, kababaihan, kabataan, bata at pangkultura. Mula sa umusbong na pinakamahuhusay na elemento mula sa mga organisasyong masa, naitatag ang mga sangay ng Partido bilang namumunong pwersa sa lokalidad ng mga baryo at naitatag ang mga rebolusyonaryong komite bilang matatag-tatag na mga organo ng kapangyarihang pampulitika.

Pinamunuan ng Partido ang mga organo ng kapangyarihang pampulitika at sinuportahan sila ng mga organisasyong masa sa pagsasagawa ng mga kampanyang masa at mga gawaing kaugnay ng edukasyong masa, pag-oorganisa, repormang agraryo, produksyon, kalusugan at kalinisan, pamamagitan at gawaing pangkultura. Para mapunan at masuportahan ang hukbong bayan, binuo ang mga milisyang bayan sa kanayunan at nagsilbing mga yunit pandepensa sa sarili ang may malalakas na pangangatawang kalalakihan at kababaihan sa mga organisasyong masa. Nang mabuo na ang laking platun na panlabang yunit, araw-araw itong nakikipagkoordina sa mga lokal na yunit gerilya, sa mga armadong tim na pampropaganda at mga yunit milisya.

Batay sa matatag na baseng masa, nakapaglunsad ang Bagong Hukbong Bayan ng paparaming bilang ng taktikal na opensibal laban sa kaaway. Ang mga opensibang ito ay isinagawa ng mga tim, iskwad at isang pwersang panalakay na laking platun. Sa pamamagitan ng ganitong mga opensiba, naparami ng BHB ang mga ripleng awtomatik nito mula sa sisiyam noong 1969 hanggang mahigit 200 sa katapusan ng 1970. Ginantihan ito ng kaaway ng lakas-5,000 Task Force Lawin na binubuo ng army, pulis at pwersang paramilitar. Pinaslang ang mga kilalang lider-magsasaka sa bawat baryo. Araw-araw at gabi-gabi ang panrireyd ng kaaway sa lima hanggang sampung baryo bawat panahon sa layuning tukuyin ang sentrong pamunuan ng Partido.

Kahit bago pa ang pormal na pagkakatatag ng Bagong Hukbong Bayan, isinagawa na ang pulitiko-militar na pagsasanay mula Enero hanggang Marso ng 1969 upang ihanda ang deployment ng ilang kadreng pulitiko-militar sa ibang rehiyon para magbukas ng bagong mga sonang gerilya. Ang pinakamatatagumpay na gawaing pagpapalawak ay sa prubinsya ng Isabela sa Northeast Luzon. Nakapagbuo roon ang tatlong pulitiko-militar na kadre ng baseng masang 150,000 bago matapos ang 1970. Dahil sa mas malawak na baseng masa at mas mainam na tereyn para sa pakikidigmang gerilya, nagsimulang lumipat ang sentrong pamunuan ng Partido sa Isabela noong 1970.

Sa kagubatang rehiyon ng Isabela, daan-daang kadreng pulitiko-militar ang sinanay sa pagpapalawak sa loob ng rehiyon at sa buong bansa. Nagpadala roon ang Partido at mga organisasyong masa ng Maynila at ibang bahagi ng bansa ng mga kadre para sa pulitiko-militar na pagsasanay at paglahok sa gawing masa. Ang mga sinanay na kadreng pulitiko-militar ay inilipat upang bumuo o magpalakas ng mga rehiyunal na komite ng Partido at rehiyunal na kumand ng BHB sa lahat ng rehiyon ng Pilipinas mula 1972 hanggang 1974. Sampung rehiyunal at sandatahang organisasyon ng Partido ang binuo noong 1974 at ang mga ito ay lumaki tungong 15 bago mag-1977 bunga ng paghahati ng organisasyon ng isla ng Mindanao sa iba’t ibang organisasyong rehiyunal.

Ginamit at pinaunlad ng BHB ang estratehiya at taktika ng pakikidigmang gerilya at ang mga pamamaraan ng pagpapalawak at konsolidasyon na subok na sa Tarlac at Isabela. Nang matapos ang plenum ng Komite Sentral ng PKP noong 1975, umabot na sa mahigit 1,000 malalakas na riple ang pambansang lakas ng BHB, na may buong-panahong mga Pulang mandirigmang pinupunuan ng milisyang bayan at yunit pandepensa-sa-sarili ng mga organisasyong masa. Ginamit ng Partido ang patakaran ng pakikipagkaisang prente para sa armadong pakikibaka upang samantalahin ang mga madugong tunggalian sa pagitan ng mga reaksyunaryo, upang magbukas ng mga bagong sonang gerilya, at upang mangalap ng mga armas at ibang anyo ng suporta mula sa mga alyado.

Sa pangangasiwa ng bagong tatag na Partido, ang kilusang masang nakabase sa lunsod ay mas mabilis na nakapagpalawak at higit na mas naging militante sa Maynila at sa pambansang saklaw. Humantong ito sa Sigwa ng Unang Kwarto ng 1970. Sa Metro Manila lamang, 50,000 hanggang 100,000 tao ang nagmartsa mula sa iba’t ibang direksyon at nagrali sa mga pangunahing pampublikong lugar at sa harap ng palasyo ng presidente, Kongreso at embahada ng US upang kundenahin ang kontra-mamamayan, antinasyunal at anti-demokratikong patakaran at gawain ng rehimeng Marcos na kontrolado ng US. Kabilang sa mga islogan nila ang: “Mangahas makibaka, mangahas magtagumpay! Digmang bayan, sagot sa Batas Militar!”

Sinubukang supilin ng rehimeng US-Marcos sa pamamagitan ng tahasang dahas ang Sigwa ng Unang Kwarto at ang mga sumunod na kilos-protesta ng masa hanggang 1972. Sinuspinde nito ang writ of habeas corpus noong 21 Agosto 1971 at ipinroklama ang batas militar noong 21 Setyembre 1972 upang ipataw ang pasistang diktadura sa mamamayan. Itinulak nito ang mga pwersang ligal ng pambansang demokratikong kilusan na itatag ang kilusang lihim at hikayatin ang mga aktibistang lumahok sa digmang bayan. Tuluy-tuloy na lumakas ang Partido sa kilusang lihim at hinikayat ang mga kilos-protesta kapwa sa loob ng mga gusali at sa lansangan.

Noong 24 Abril 1973, inilabas ng Preparatory Commission ng National Democratic Front ang 10-Point Program of Revolution Action (o ang Manipesto ng NDF: Magkaisa para Ibagsak ang Diktadurang US-Marcos) upang paunlarin ang nagkakaisang prente bilang suporta sa armadong rebolusyonaryong pakikibaka, na nagsilbing hudyat sa pagtatatag ng National Democratic Front of the Philippines (NDFP). Nagtagumpay ang NDFP sa pagbubuo ng sarili nitong mga selula at nagtuon ito sa gawaing nagkakaisang prente sa mga hayag na unyon at mga samahang magsasaka na di-tukoy ng kaaway na pinamumunuan ng Partido, sa mga samahan ng mga intelektwal at propesyunal na petiburges sa kalunsuran, sa mga relihiyoso, at sa mga reaksyunaryong pulitikong anti-Marcos. Noong 1975, inilunsad ng Partido at ng lihim na NDF sa Maynila ang welga sa La Tondeña na nagpasiklab ng mga welga sa 300 pagawaan sa buong bansa. Gumampan ng susing papel ang Christians for National Liberation ng NDF sa pagsuporta sa mga manggagawa na labanan ang mga pasistang otoridad.

Ang panahon mula 1968 hanggang 1977 ay maituturing na mga taon ng pagpupundar ng PKP, BHB at ng NDFP sa gabay ng Marxismo-Leninismo-Kaisipang Mao Zedong. Ang maagang pag-unlad ng mga rebolusyonaryong pwersa ay ginabayan ng mga batayang dokumento sa muling pagtatatag ng PKP, ng BHB at ng NDFP, at ng Lipunan at Rebolusyong Pilipino. Nakatuon ang Partido sa paglulunsad ng rebolusyonaryong armadong pakikibaka bilang pangunahing anyo ng pakikibaka habang ipinagpapatuloy nito ang paghihikayat at muling pagpapasigla ng ligal na kilusang masa sa kalunsuran sa harap ng pasistang diktadurang malupit na naghahari sa bansa.

Sa layunin ng pagbubuo sa ideolohiya, isinalin at inilimbag ng Partido ang maiikling klasikong akda nina Marx, Engels, Lenin at Stalin. Isinaayos at inilimbag nito ang magagaang na bolyum ng mga akda ni Mao sa ilalim ng pitong pangkalahatang pamagat: Hinggil sa Pagsusuri sa Uri at Panlipunang Pagsisiyasat, Hinggil sa Pagbubuo ng Partido, Hinggil sa Pagbubuo ng Hukbong Bayan, Hinggil sa Armadong Pakikibaka, Hinggil sa Nagkakaisang Prente, Hinggil sa Gawaing Ekonomya at Repormang Agraryo, at Hinggil sa Propaganda at Gawaing Pangkultura. Isinalin ang mga ito sa Pilipino, ang pambansang wika. Isinalin ito ng mga rehiyunal na organisasyon ng Partido sa mga rehiyunal na wika at pinalaganap sa mga lugar na kanilang kinikilusan.

Inilathala ng PKP ang Gabay Pang-organisasyon at Balangkas ng mga Ulat noong 1971 upang maging gabay sa gawaing masa at magkaroon ng napapanahon at wastong pag-uulat ng mga gawain. Ipinakita ng Paglalagom ng Unang Tatlong Taon noong 1972 ang resulta ng iba’t ibang aspeto ng rebolusyonaryong pakikibaka. Isinapubliko ng PKP noong 1972 ang Gabay sa Pagtatatag ng Demokratikong Gubyernong Bayan bilang saligang batas ng bayan bilang balangkas para sa mga organo ng kapangarihang pampulitika. Pinalaganap din nito noong 1972 ang Rebolusyonaryong Gabay sa Reporma sa Lupa. Inilathala noong 1972 Ang Mga Partikular na Katangian ng Digmang Bayan sa Pilipinas, na halaw sa ating karanasan sa paglalapat ng estratehikong linya ng digmang bayan sa ating pulu-pulong bansa. Bunga ng Plenum ng Komite Sentral noong 1975, inilathala noong 1976 Ang Mahigpit Nating mga Tungkulin upang ibayo pang linawin ang ideolohikal, pulitikal, at organisasyunal na linya at tungkulin at ipakita ang mga paraan upang matupad ang mga ito.

Ang mga pasya at atas ng Komite Sentral at ibang sentral na organo, ang mga ulat sa Komite Sentral ng mga rehiyunal na pagsisiyasat ng mga kalagayang panlipunan at gawaing rebolusyonaryo, ang palitan ng komunikasyon sa pagitan ng mga nakatataas at nakabababang organo ng pamunuan ng Partido at ibang kasulatan ng mga kadre at kasapi ng Partido ay mayayamang bukal ng impormasyon kung paano inilapat ng PKP ang teoryang Marxismo-Leninismo-Maoismo sa praktika ng rebolusyong Pilipino. Nagsilbi ang Ang Bayan bilang upisyal na publikasyon ng Komite Sentral para iulat ang balita at pagsusuri ng mga usapin at pangyayaring pambansa at pandaigdig. Naglaman ng mahahalagang artikulo ang mga espesyal na pampleto. Kinalaunan, inilathala ang Rebolusyon bilang teoretiko at pampulitikang pahayagan ng Komite Sentral.

Mula 1969 hanggang 1977, itinatag ng Partido ang mga rehiyunal na organisasyon ng Partido at mga rehiyunal na kumand ng BHB: sa Northeast Luzon, Northwest Luzon (kabilang ang Cordillera), Central Luzon, Manila-Rizal (national capital region), Southern Tagalog, Bicol, Western Visayas, Central Visayas, Eastern Visayas, and ilang rehiyon sa Mindanao. Nagsilbing padron ang Tarlac at Isabela sa pagbubukas ng baseng masa, pagpukas sa masa sa pangangailangan at halaga ng hukbong bayan sa paggapi sa mga lokal na despotiko at masasamang elemento, at pagsusulong ng mga taktikal na opensiba laban sa armadong pwersa ng kaaway na ipinatutupad ng mga tim, iskwad at platun ng BHB.

Itinatag ang mga sonang geriya sa mga eryang paborable para sa pakikidigmang gerilya. Kinonsolida ang mga ito upang maging baseng gerilya sa pamamagitan ng masikhay na gawaing masa, repormang agraryo, at pagbubuo ng mga organo ng kapangyarihang pampulitika at mga organisasyong masa. Pagkatapos, kinonsolida ang kulumpon ng mga sonang gerilya at baseng gerilya upang maging larangang gerilya, na may komiteng distrito ng Partido at platung gerilya na nagsilbing pangunahing pwersang panagupa at sentro de grabidad para sa mga nakahiwalay na iskwad at armadong pangkat pampropaganda. Milyun-milyong mamamayan ang nasa larangang gerilya. Ang BHB sa Mindanao ang unang gumamit ng terminong “larangang gerilya” at nagbuo ng mga pangunahing yunit gerilya at sekundaryong yunit gerilya.

Noong 1976, ipinamamalas ng mga platun ng BHB sa rehiyon ng Eastern Visaya sa buong rebolusyonaryong kilusan kung paano maglunsad ng madalas na taktikal na opensiba sa masaklaw at masinsinang pakikidigmang gerilya batay sa papalawak at papalalim na baseng masa, gamit ang mga platun laban sa pangmunisipal na pwersang kapulisan at maliliit na detatsment ng army, at mabilis na makapagtipon ng mga sandata sa harap ng mababangis na kampanyang kubkob ng kaaway. Itinuturing ng sentral na pamunuan ng Partido na wastong magparami ng mga platun sa pambansang saklaw upang magdulot ng mga epektibong pinsala laban sa kaaway at makasamsam ng sandata.

Ang estratehiya at taktika ng digmang bayan ni Kasamang Mao, na inilapat sa Mga Partikular na Katangian ng Digmang Bayan sa Pilipinas, na isinapraktika ng mga kadre ng Partido at mga kumander at Pulang mandirigma ng BHB, ay nagtitiyak ng umaasa-sa-sariling pagsulong ng rebolusyonaryong armadong pakikibaka sa bansa. Hindi nakabara sa Partido ang pulu-pulong katangian ng Pilipinas. Itinuring lamang itong disbentahe sa simula subalit pangmatagalang bentahe sa kalaunan.

Ang kalawakan ng kanayunan, ang pulu-pulo at bulubunduking katangian ng Pilipinas ay nagpahintulot sa Partido na hatiin at ikalat ang lakas ng armadong pwersa ng kaaway sa pamamagitan ng lubos na pagpapahalaga sa prinsipyo ng sentralisadong ideolohikal at pampulitikang pamumuno at desentralisadong operasyon, sa prinsipyo ng pag-asa-sa-sarili, at sa prinsipyo ng hakbang-hakbang na pagsulong ng digmang bayan. Noong 1977, naitayo na ng BHB ang mahigit 30 larangang gerilya sa buong bansa, sa tereyn na paborable para sa pakikidigmang gerilya.

Sa pagsisikap na dagdagan at pasiglahin ang umaasa-sa-sariling kondukta ng digmang bayan, nagsagawa ng dalawang pagtatangkang mag-angkat ng armas, noong 1972 at noong 1974. Bahagyang naging matagumpay ang nauna subalit sa kabuuan ay bigo; ang pangalawa ay lubusang bigo. Nilagom at hinalawan ng aral ang mga negatibong karanasang ito ng Partido. Dahil walang komun na hangganan sa sumusuportang estado, dapat isapraktika ng hukbong bayan ang prinsipyo ng pag-asa-sa-sarili sa pamamagitan ng pagsamsam ng armas mula sa pwersa ng kaaway at gamitin ang reaksyunaryong armadong pwersa bilang hindi kusang pangunahing tagapaghatid at tagasuplay ng armas.

Sinuri at nilagom ng Partido ang kondukta nito ng digmang bayan at nagsagawa ng puna at pagpuna sa sarili upang iwasto ang mga pagkakamali at paunlarin ang pamamaraan at estilo ng paggawa. Kabilang sa mga matingkad na pagkakamaling pinuna ang pagpapapasok ng mga armas nang walang paunang gawaing masa sa Negros Occidental noong 1969 at ang pagkukubli at pagiging pasibo ng dalawang ganap na kumpanya ng BHB sa magubat na rehiyon ng Isabela mula 1972 hanggang 1974. Humalaw ng aral ang Partido mula sa mga naging balakid sa pag-unlad at ang pagkamatay o pagkahuli sa mga kadre ng Partido at mga Pulang kumander sa iba’t ibang pagkakataon. Patuloy na umunlad ang kabuuan ng rebolusyonaryong kilusan, sa kabila ng malalaking pagkakamali at pagkabahura. Ang pagkakahuli sa Tagapangulo ng Komite Sentral ng Partido noong 1977 ay hindi nakapanlumo o nakahadlang sa pagsulong ng digmang bayan.

Ang PKP, BHB at ibang rebolusyonaryong pwersa sa bawat rehiyon ay may mahaba at mayabong na kasaysayan na maaaring ibahagi kung paano ito nakapagpalakas at sumulong sa kabila ng mabibigat na hamon noong nagsisimula pa lamang sila, kung paano nila pinagsanib ang armadong pakikibaka at ang nagkakaisang prente, kung paano nila pinagtugma ang ligal at iligal na mga anyo ng pakikibaka, kung paano minsanang nakagawa ng malubhang kamalian, nagtamo ng pinsala at nakaigpaw dito sa pamamagitan ng puna at pagpuna-sa-sarili, aktwal na pagwawasto at muling pagpapasigla. Hindi sapat ang oras para ilahad kahit buod man lamang ng kwento sa bawat rehiyon. Maibibigay ko lamang ang pinakamatitingkad na karansan sa pag-unlad ng Maoismo sa Pilipinas.

Mula 1978 hanggang 1986, nagpatuloy ang paglakas ng mga rebolusyonaryong pwersa dahil sa pagtangan sa mga turo ni Mao at sa pamumuno ng PKP, at syempre, bunga ng pagtindi na pagkamuhi ng mamamayang Pilipino sa pasistang diktadurang Marcos. Tuluy-tuloy na sumulong ang armadong rebolusyonaryong kilusan sa kanayunan. Noong 1978, nagsimulang maglunsad ng mga hayag na protestang masa ang kilusang masa sa kalunsuran. Tuluy-tuloy itong umunlad hanggang sa paslangin ng rehimeng Marcos si Benigno Aquino noong 1983. Sinunggaban ng Partido ang pagkakataon upang buuin ang pinakamalawak na posibleng nagkakaisang prente sa harap ng mabilis na pagbulwak ng kilusang masa sa kalunsuran. Milyun-milyon ang nagsitindig sa malawak na masa ng mamamayan upang ibagsak ang pasistang rehimen noong 1986.

Ang pinakamalalaking organisasyong masa sa mga kilos protesta ay nagmula sa pambansa-demokratikong kilusan. Kasabay nito, pinaigting ng BHB ang mga taktikal na opensiba nito laban sa kaaway. Inilapat ng PKP ang patakaran ng malawak na pakikipagkaisang prente upang ihiwalay at wasakin ang kapangyarihan ng pasistang rehimeng Marcos na sinusuhayan ng US. Pangunahin itong sumandig sa batayang alyansa ng manggagawa at magsasaka, lubos na nagtiwala sa alyansa ng progresibo at patriyotikong pwersa at pansamantalang nakipag-alyansa sa mabubuway na reaksyunaryong grupo tulad nina Aquino at iba pa. Pagbagsak ni Marcos, naobliga ang rehimeng Aquino na palayain ang lahat ng bilanggong pulitikal subalit ipinahayag nito pagkalaon na wala diumanong naging papel ang rebolusyonaryong pwersa sa pagpapatalsik kay Marcos.

Lumago ang kasapian ng Partido hanggang mahigit 30,000 noong 1986. Lumaki ang mga larangang gerilya hanggang mahigit 60 sa 14 na rehiyon sa labas ng pambansang kabiserang rehiyon. Sa karamihan ng rehiyon sa bansa, yumabong ang mga organo ng kapangyarihang pampulitika at mga rebolusyonaryong organisasyong masang nakabase sa kanayunan. Umabot sa pitong milyon ang kabuuan ng mamamayang nasa larangang gerilya. Lumaki sa mahigit 5,000 malalakas na riple ang armadong pwersa ng BHB noong 1983. Bumagal ang paglaki ng hukbong bayan bunga ng mga pagkakamali ng “Kaliwang” oportunismo. Ang lakas ng BHB ay naitala sa 5,600 noong panahon ng 1985 Plenum ng Komite Sentral. Lumaki ito hanggang 6,100 noong 1986.

Kung ihahambing sa lakas-militar ng kaaway, ang lakas ng BHB ay higit na maliit subalit napupunuan ito ng ilampung libong milisyang bayan na may mahihinang armas, at ng daan-daang libong yunit pandepensa-sa-sarili ng mga rebolusyonaryong organisasyong masa. Taliwas sa paulit-ulit na pahayag ng armadong pwersa ng kaaway at ng burgis na masmidya, hindi naabot ng BHB ang 25,000 malalakas na riple noong dekada 1980.

Kahit lumalakas ang PKP, BHB, NDFP, ang mga organo ng kaparangyarihang pampulitika at mga organisasyong masa mula 1978 bunga ng mahusay na Maoistang pundasyon ng PKP at pagpupunyagi ng mga proletaryadong rebolusyonaryong Maoista, nagsisimula nang palaganapin ng mga anti-Maoista na nasa matataas na pusisyon sa PKP ang mga suhetibista at oportunistang linya laluna mula 1981 pataas. Pinalaganap nila ang suhetibistang linya na ang ekonomya ng Pilipinas ay hindi na malapyudal kundi malakapitalista na, na ang implikasyon ay ginawa nang industriyalisado at urbanisado ng kumprador-panginoong-maylupang rehimeng Marcos ang hanggang 40% ang Pilipinas.

Nakapagsagawa ang nakabimbing Tagapangulong Tagapagtatag ng PKP noong 1982 ng mahabang panayam, “Hinggil sa Moda ng Produksyon sa Pilipinas”, upang salungatin ang suhetibistang linya at upang sa pamamagitan ng estadistika at pagsusuri ay imantine ang pusisyon na ang ekonomya ng Pilipinas ay nananatiling agraryo at malapyudal. Sinuhayan ng panayam na ito ang mga proletaryong rebolusyonaryo na manindigan at pigilan ang paglaganap ng suhetibistang linya at makapanaig sa buong Partido. Sinulat niya noong 1983 sa “Ang Papatalong Landas ng Reaksyunaryong Armadong Pwersa” na maaaring bumilis ang paglakas ang BHB sa pagkamit nito ng critical mass na 5,000 malalakas na riple subalit nagbabala siya laban sa di-napapanahong bertikalisasyon o pagbubuo ng mga malalaking yunit na hindi kayang isustine.

Sumanga mula sa suhetibistang linya ang “Kaliwa” at Kanang oportunistang linya. Mas malakas ang “Kaliwang” oportunistang linya kaysa sa Kanan hanggang 1987. Ipinagkamali ng bagong pamunuan ng Partido na ang maagang subyugto ng estratehikong depensiba — ang subyugtong kinalalagyan noon ng digmang bayan — ay siya nang abanteng yugto, at nilayon nitong kamtin ang antas na mali nitong tinaguriang “estratehikong kontra-opensiba” bilang huling yugto ng estratehikong depensibang tutungo na sa estratehikong pagkapatas. Ikinubli ng retorikong “pagsulong” sa digmang bayan ang katotohanan na noong 1978, ang hukbong bayan ay mayroon lamang humigit-kumulang 1,500 malalakas na riple. Noong panahong iyon, kailangan pang tularan ng ibang rehiyon ang ipinakitang halimbawa ng Eastern Visayas, partikular sa Samar, kaugnay ng pagbubuo ng platun at paggamit dito para sa masisinsing opensiba.

Lumaganap ang kapusukang ito hindi lamang sa sentral na pamunuan kundi maging sa rehiyunal na pamunuan sa Eastern Visayas nang magbuo ito ng mga kumpanya at dalawang batalyon noong 1979-80. Subalit sinansala ang rehiyunal na pamunuan na huwag ipatupad ang plano bagkus ay inatasang magpalawak sa rehiyon gamit ang mga platun at ang mga subok nang kadre ng Partido ay pwede nang ideploy ng sentral na pamunuan para tumulong sa ibang rehiyon, lalo sa Negros, Panay, at Mindanao. Sa kabuuan ng bansa, nakapagpalawak ng baseng masa at nakapaglunsad ng matatagumpay na taktikal na opensiba ang Partido at ang BHB.

Hindi naipatupad ng sentral na pamunuan ng Partido ang tinagurian nitong “estratehikong kontra-opensiba”. Subalit noong 1981, nag-imbento ang Mindanao Commission ng sarili nitong bersyon ng adbenturismong militar, na tinagurian nitong estratehiyang Pulang Purok-Puting Purok (Red Area-White Area o RAWA). Nagpasya itong lipas na ang panahon ng gawaing masa at napapanahon nang buuin ang 15 kumpanya sa Mindanao sa pinakamabilis na panahon bilang pwersang lantay militar sa pamamagitan ng pagsasanib ng maliliit ng yunit ng BHB na naggagawaing-masa. Kasabay nito, itinuring nito ang mga armadong partisano sa syudad at ang ispontanyong masa sa mga lunsod bilang namumunong pwersang pulitiko-militar para ipagwagi ng arebolusyon sa pamamagitan ng insureksyon sa kalunsuran. Tangay ng kapusukan, lantarang lumahok ang mga lihim na kadre ng Partido sa mga pagkilos ng masa na tinaguriang mga welgang bayan.

Nagpamalas ng mabubungang resultang militar ang unang tatlong kumpanya sa mga opensiba nito laban sa kaaway. Subalit habang dumarami ang binubuong mga kumpanya at yunit istap, napahina ang baseng masa hanggang sa tuluyang gumuho. Kasabay nito, naging bulnerable sa mga atake ng kaaway ang tatlong kumpanya dahil madali silang makita ng mga impormer ng kaaway at nagpapatrulyang tim ng kaaway. Nang magresulta ang patakaran ng di-napapanahong pagbubuo ng kumpanya ng BHB sa mga tagumpay ng kaaway sa pag-ambus ng mga yunit ng BHB at nang mareyd at mahuli o mapatay ang mga lihim na kadre sa kalunsuran, ibinunton ng Mindanao Commission ang sisi sa mga “deep penetration agents” (DPAs) bilang dahilan ng mga pinsala imbes na repasuhin at ibasura ang maling patakaran. Noong 1985, nagpasyang maglunsad ng tarantang kampanyang putsista ang komiteng tagapangalaga ng Mindanao Commission upang diumano’y mapalitaw at mapuksa sa rehiyon ang mga tinagurian nitong DPAs. Binansagan itong Kampanyang Ahos, na humantong sa kriminal na madugong pagtutugis sa hanay ng mga rebolusyonaryo.

Hindi maagap na naiwasto ang malulubhang pagkakamali ng “Kaliwang” oportunismo na nagbunga ng matatagumpay na pagsalakay ng kaaway at ng madudugong pagtugis tulad ng Kampanyang Ahos noong 1985 hanggang 1987 sa Mindanao, ang kampanyang anti-DPA sa Northern Luzon at ang Operation Plan Missing Link sa Southern Tagalog. Naudlot ang pagsulong ng armadong rebolusyon at bumagal sa iba’t ibang lugar sa iba’t ibang panahon. Ang di-napapanahong pagbubuo ng malalaking yunit militar ay nagresulta sa kapabayaan sa gawaing masa at pagkabansot ng baseng masa. Sa kakulangan ng malalim at masaklaw na baseng masa, at sa labis na paghina ng pleksibilidad at mobilidad, mas naging bulnerable ang malalaking yunit ng BHB sa pagkalantad at pagsalakay ng kaaway. Noong malaking bahagi ng dekada 1980, ang rehiyunal na organisasyon ng Partido sa Bicol naman ang nagpamalas ng balansyadong katangi-tanging pag-unlad ng Partido, hukbong bayan at baseng masa.

Umusbong ang Kanang oportunismo noong 1980, nang imungkahi ng mga diumano’y popular na demokrata na gawing “Makabagong Katipunan” ang National Democratic Front sa pamamagitan ng pagtatanggal sa pamumuno ng proletaryado, upang gawing mas kaakit-akit diumano ang nagkakaisang prente sa mga burgis. Isang bagong programang nagpalabnaw sa rebolusyonaryong nilalaman ng naunang programa at nagdala sa burgis na kontra-rebolusyonaryong kaisipang ni Deng sa China ni Deng ang inihapag subalit tinunggali at isinaisantabi. Isang panukala rin ang inihapag para bawiin ang pagtingin sa Soviet Union bilang sosyal-imperyalistang kapangyarihan upang mapadulas ang paghingi ng ayudang militar sa Soviet Union at mga alyado nito.

Napahinto ang mga Kanang oportunista sa pagtutulak ng mungkahing baguhin ang katangian ng NDF at palabnawin ang programa nito. Madaling naitakwil ng mga proletaryadong rebolusyonaryo ang maniobra nilang ito habang umiigting ang digmang bayan tungo sa pagpapatalsik ng pasistang diktadura noong 1986. Subalit pagbagsak ni Marcos, pinalaki ng mga Kanang oportunista na estratehikong pagkakamali ang panawagang boykot ng pamunuan ng Partido noong 1986 presidential snap election at nagpasiklab ng kung anu-anong akusasyon laban sa sentral na pamunuan. Lantaran silang nagpasalamat sa rehimeng US-Aquino para sa tinaguriang espasyong demokratiko at sumipsip pa sa rehimeng Aquino. Nahumaling sila sa “bagong kaisipan” ni Gorbachov.

Pagkalaya sa bilangguan, nagbigay ang tagapangulong tagapagtatag ng Partido ng serye ng sampung lektura, na pinamagatang Krisis at Rebolusyong Pilipino, sa Unibersidad ng Pilipinas noong 1986. Nilayon nitong tungaliin at linawin ang pagkalitong pinalalaganap ng “Kaliwa” at Kanang oportunista tungkol sa pagbagsak ni Marcos at ang katangian ng rehimeng Aquino, at mas mahalaga, magbigay ng bagong impormasyon sa Lipunan at Rebolusyong Pilipino at linawin ang bagong sitwasyon at ang mga bagong tungkulin ng rebolusyonaryong kilusan. Ang tinipong lektura ang nagpatatag sa mga rebolusyonaryong prinsipyo at nag-angat sa mapanlabang diwa ng Partido at rebolusyonaryong kilusan sa harap ng mga pagtatangka ng rehimeng Aquino na wasakin ang kilusan sa pamamagitan ng kumbinasyon ng dahas at panlilinlang.

Pagsapit ng panahong iyon, nagsanib na ang mga “Kaliwa” at Kanang oportunista sa labis na pagdidiin sa boykot bilang pinakamalubhang pagkakamali ng PKP, upang pagtakpan ang ibayong mas mapaminsalang katangian at resulta ng kanilang mga pagkakamali at krimen sa kampanyang anti-DPA. Panay ang satsat nila na tanging ang mga insureksyon sa lunsod at pag-aangkat ng armas ang matagumpay na lulutas sa paglaban sa “gradual constriction” ng mga larangang gerilya sa ilalim ng digmang mabilis na tinatapos ng kaaway.

Matapos ang pagkabigo ng kanilang patakaran na tinaguriang pambansang koordinadong operasyon noong 1987-1988, na naglalaman ng halos puro operasyong harasment at naglustay ng maraming bala, lulugo-lugo at naging palasuko ang mga gastadong pwersa ng mga “Kaliwang” oportunista. Ang ilan sa kanila ay sumanib sa mga Kanang oportunista sa pagpuri kay Gorbachov at pagkatapos ay nagdiwang sa ganap na panunumbalik ng kapitalismo sa mga bansang pinaghaharian ng mga rebisyunista noong 1989 hanggang 1991. Kapwa sila nagsimulang magmaniobrahan para makakuha ng mga pusisyong istap sa iba’t ibang partidong reaksyunaryo at sa iba’t ibang ahensya ng reaksyunaryong gubyerno.

Mula 1988 hanggang 1991, siniyasat ng Partido ang saklaw ng pinsala sa rebolusyonaryong baseng masa bunga ng “Kaliwang” oportunistang linyang nagkupot sa sarili. Naging malinaw noong 1991 na umabot hanggang 60 porsyento ang pinsala sa baseng masa sa buong bansa. Ang mga “Kaliwang” oportunista, na naglako ng kung anu-anong tipo ng insureksyunismong lunsod, ay sinulsulan ng mga dayuhang Trotskyista at nagsimulang lantarang tunggaliin ang PKP at Maoismo. Nakipagsabwatan sila sa mga hindi nagwawastong Kanang oportunista sa pagkakalat ng propagandang anti-komunista at nangungulimbat sa mga NGO na pinondohan ng mga imperyalista at mga lokal na reaksyunaryong pulitiko. Noong 1991, inihanda ng Komite Sentral ng Partido ang Ikalawang Dakilang Kilusang Pagwawasto sa pamamagitan ng pagbubuo ng burador ng mga batayang dokumento nito, batay sa mga ulat at rekomendasyon ng mga nakabababang organo at organisasyon ng Partido.

II. Kasalukuyang Kalagayan ng Maoismo sa Pilipinas

Maaari lamang unawain at magagap ang kasalukuyang kalagayan ng Maoismo sa Pilipinas sa pamamagitan ng pagpansin kung paano matagumpay na inilapat ang teorya ng Maoismo sa kongkretong praktika ng rebolusyong Pilipino sa bagong demokratikong yugto, kung paano ito ginamit upang harapin at pangibabawan ang malalaking balakid mula sa obhetibong kalagayan; lutasin ang mga suliranin sa pag-unlad ng Partido at iba pang rebolusyonaryong pwersa, at kung paano nito ginabayan ang lahat ng rebolusyonaryong pwersa para ipreserba ang kanilang sarili, lumakas at sumulong.

Malaking istorikong tagumpay sa PKP na mapangibabawan ang matitinding pagtatangka ng imperyalistang US at mga lokal na reksyunaryong pwersa na wasakin ang Partido at ang buong rebolusyonaryong kilusan sa pamamagitan ng 14 na taong pasistang dikatadurang Marcos mula 1972 hanggang 1986 at ng sunud-sunod na mga pseudo-demokratikong rehimen na kunway nagbigay ng “demokratikong puwang” sa mga taong naghahangad ng pambansang kalayaan at demokrasya ngunit di naman huminto sa paggamit ng brutal na mga kampanyang anti-komunista at anti-mamamayang panunupil.

Mahusay na pinatnubayan ang PKP ng teorya ng Maoismo kung saan ang demokratikong rebolusyon, sa pamamagitan ng estratehikong linya ng matagalang digmang bayan, ang siyang tugon sa pinagsanib na diktadura ng uring malalaking kumprador at panginoong maylupa na naghahari sa malakolonyal at malapyudal na lipunan sa ilalim ng hegemonya ng imperyalismong US. Lubos nang napatunayan na hindi kayang gapiin ng US at ng mga lokal na naghaharing uri ang rebolusyonaryong kilusan ng mamamayan sa pamamagitan ng dahas at panlilinlang.

Sa mahigit apat na dekada ng rebolusyonaryong armadong pakikibaka, napamunuan at naitatag ng PKP ang hukbong bayan, ang mga organo ng kapangyarihang pampulitika sa kanayunan, ang rebolusyonaryong organisasyong masa, at ang nagkakaisang prente ng mga patriyotiko at progresibong pwersa. Sa batayan ng papalaking baseng masa, naitayo ng PKP ang mga sangay ng Partido sa mga lokalidad. Sa pamumuno nito, lumalaki ang demokratikong gubyernong bayan kontra sa reaksyunaryong gubyerno at sa naghaharing sistema na sadlak sa palagiang krisis.

Napipilitang kilanlin ng reaksyunaryong gubyerno ang rebolusyonaryong pamahalaan sa pamamagitan ng pakikipagnegosasyong pangkapayapaan sa National Democratic Front of the Philippines (NDFP). Tumutulong sa usapang pangkapayapaan ang ilang dayuhang gubyerno (Dutch, Belgian at Norwegian). Sa gabay ng internasyunal na batas, nakikipagnegosasyon ang NDFP sa gubyerno ng Maynila na may pantay na katayuan bilang nakikidgmang partido sa isang gera sibil.

Tumatalima ang mga rebolusyonaryong pwersa at mamamayang pinamumunuan ng PKP sa prinsipyo at linya na ang pakikibaka para sa makatarungan at pangmatagalang kapayapaan ay pakikibaka rin para sa pambansang kalayaan at demokrasya. Magtatagumpay lamang ang usapang pangkapayapaan kung matutugunan ang gayong pakikibaka ng mamamayan. Di dapat malinlang ang mga rebolusyonaryong pwersa ng maling ilusyon kaugnay ng usapang pangkapayapaan. Sa halip, dapat nilang samantalahin ang usapang pangkapayapaan bilang paraan upang isulong ang makatarungan at makatwirang kahilingan para sa kagyat at pangmatagalang pakinabang ng sambayanang Pilipino at maiparating sa ibang bansa ang programa ng demokratikong rebolusyong bayan at mailantad ang antinasyunal at anti-demokratikong katangian ng gubyerno ng Maynila.

Bunga ng pangmatagalang paglaban at pagkakanulo sa sosyalismo ng modernong rebisyunismo at sa lubos na pagtagumpay ng kontra-rebolusyonaryong kapitalismo sa China, Soviet Union at iba pang dating sosyalistang bansa, ipinangangalandakan ng mga imperyalistang US at mga reaksyunaryong Pilipino na wala nang pag-asa ang sosyalismo at di hahantong ang kasaysayan lampas sa kapitalismo at liberal na demokrasya. Tinangka nilang idemoralisa ang mamamayan at mga rebolusyonaryong pwersa sa paggigiit na wala nang sosyalistang bansa na tutulong sa kanila at wala nang ibang daan kundi ang pagsuko sa imperyalismo at sa mga reaksyunaryong alipures nito.

Subalit salamat sa mga turo ni Mao hinggil sa bagong demokratikong rebolusyon, hinggil sa prinsipyo ng pag-asa-sa-sarili at linyang masa, ang rebolusyonaryong kilusan ng sambayanang Pilipino ay nakapagpalakas at nakasulong nang di umaasa sa materyal na tulong mula sa ibang bansa. Mahigit 98% ng armas ng BHB ay mula sa pakikipagsagupa sa kaaway. Wala pang 2% ang mula sa donasyon ng mga lokal na alyado. Muli, salamat sa proletaryong rebolusyonaryong linya ni Mao laban sa modernong rebisyunismo mula sa huling hati ng dekada 1950, naitatag ang PKP sa pagtataguyod sa linya ng Marxismo-Leninismo at sa paglaban sa modernong rebisyunismo.

Nauunawaan ng lahat ng rebolusyonaryong pwersa ng sambayanang Pilipino ang pagkabulok at lubusang pagkawasak ng sosyalismo sa mga bansang pinagharian ng modernong rebisyunismo. Ibayo silang naaarmasan ng Maoistang teorya ng nagpapatuloy na rebolusyon sa ilalim ng diktadura ng proletaryado sa sosyalistang lipunan. Di lamang sila bihasa sa praktika ng bagong demokratikong rebolusyon kundi may pagtanaw na itayo ang sosyalismo at gapiin ang panganib ng modernong rebisyunismo at kapitalisatng pagpapanumbalik. Ang sosyalistang rebolusyon ay nagsisimula sa saligang pagkumpleto ng bagong demokratikong rebolusyon sa pamamagitan ng pag-agaw ng pampulitikang kapangyarihan sa pambansang saklaw.

Nahaharap ang isang rebolusyonaryong partido ng proletaryado tulad ng PKP sa batas ng kontradiksyon sa bawat yugto ng rebolusyon. Dapat itong maging alerto sa walang humpay na pangangailangang labanan ang burgesya na nagpapakalat ng impluwensya mula sa labas o nakakapasok sa Partido sa pamamagitan ng di nagwawastong o atrasadong mga petiburgesyang elemento at nagpapakalat ng mga ideyang petiburges bilang proletaryong ideya at umaatake sa linyang Marxista-Leninista-Maoista sa swabe man o magaspang na paraan.

Dahil kabisado na nito ang mga turo ni Mao, nasa pusisyon ang PKP noong 1992 na tukuyin, punahin at itakwil ang mga mayor na pagkakamali ng suhetibismo at oportunismo mula 1980 hanggang 1991 na naglayong balewalain at ilikida ang Partido at ang rebolusyonaryong kilusan. Matagumpay nitong inilunsad ang Ikalawang Dakilang Kilusang Pagwawasto (IDKP) noong 1992, na may malawak na suporta ng mga kadre at kasapi ng Partido na nanatiling tapat sa Partido at sa Marxismo-Leninismo-Maosimo.

Noon mismong nag-iilusyon ang mga di-nagwawastong oportunista na kaya na nilang pakawalan ang pamatay na dagok sa Partido, inilabas ng sentral na pamunuan ang mga dokumento ng pagwawasto: Muling Pagtibayin ang mga Saligang Prinsipyo at Iwasto ang mga Pagkakamali, Pagkalahatang Balik-aral sa mga Mayor na Pangyayari at Pasya mula 1980 hanggang 1991 at ang Manindigan sa Sosyalismo Laban sa Modernong Rebisyunismo. Sa katunayan, kung wala ang Ikalawang Dakilang Kilusang Pagwawasto, nawasak na sana ang PKP at ang buong rebolusyonaryong kilusan mula sa loob, na siyang hayagang hinahangad ng isang aset sa paniktik ng US na nakikipagsabwatan at nang-uudyok sa mga di-nagwawastong mga oportunista.

Sa halip, inilunsad ng mga Maoistang proletaryong rebolusyonaryo ang Ikalawang Dakilang Kilusang Pagwawasto mula 1992 hanggang 1998 bilang kampanyang edukasyon sa teorya at pulitika upang muling pagtibayin ang mga saligang rebolusyonaryong prinsipyo, punahin at itakwil ang mga mayor na suhetibistang pagkakamaling oportunista, at muling makapagpalakas ang mga rebolusyonaryong pwersa at kilusan. Taglay din ng IDKP ang mga praktikal na hakbangin sa pulitika upang labanan ang mapangwasak na operasyon ng mga nasa pusisyong bulok at taksil, mabawi ang mga tauhan at rekursong ginulo at nilustay nila; muling bigyan ng oryentasyon at muing italaga ang mga kadre; at muling makapagpalakas ang buong Partido at rebolusyonaryong kilusan.

Sa paglalahad ng kasalukuyang kalagayan ng Maoismo sa Pilipinas, kailangang tukuyin ang sampung usaping inilatag ng Ikalawang Dakilang Kilusang Pagwawasto at baybayin ang mga at aksyong ginawa ng Partido at ang mga ibinunga nito. Sumusunod ang mga usapin: 1. ang teorya at praktika ng Marxismo-Leninismo-Maoismo; 2. ang anti-rebisyunistang linya; 3. ang malapyudal at malakolonyal na katangian ng lipunang Pilipino; 4. ang pangkalahatang linya ng bagong demokratikong rebolusyon; 5. Ang Partido bilang namumunong pwersa; 6. matagalang digmang bayan at pakikidigang gerilya; 7. rebolusyonaryong linyang makauri sa nagkakaisang prente; 8. prinsipyo ng demokratikong sentralismo; 9. ang sosyalistang perspektiba; at 10. proletaryong internasyunalismo.

1. Pagtataguyod sa teorya at praktika ng Marxismo-Leninismo-Maoismo

Idiniin ng Partido na sadyang isinaisantabi ng mga subhetibista at oportunista ang pag-aaral sa teorya at praktika ng Marxismo-Leninismo-Maoismo sa mga organo at yunit kung saan dapat silang tumayong mga kadre ng Partido. Tumigil sila sa pag-aaral upang magpasikat at bulagin ang ibang kasapi ng Partido na sila ang mayroong mas mahusay na ideya, na sa totoo’y hinalaw mula sa mga di-Maoista at anti-Maoista. Nagpamalas sila ng eklektikong hanayan ng mga petiburges na ideya.

Kabilang sa mga “Kaliwang” oportunista ang mga nagtataguyod ng putsismong militar at insureksyunismong lunsod na batay diumano sa mga pag-aalsang anti-diktadura sa Central America. Kabilang sa mga Kanang oportunista ang mga tagapagtaguyod ng populismong burges, liberalismo, demokrasyang sosyal, Gorbachovismo at Trotskyismo. Subalit lahat sila’y nagkakasundo sa suhetibistang ideya na hindi na malapyudal ang ekonomya ng Pilipinas kundi “malakapitalista” na dahil sa kanilang palagay na may signipikanteng paglawak ang industriyalisasyon at urbanisasyon sa ilalim ng malaking kumprador-panginoong maylupang patakarang pang-ekonomya ng pasistang rehimen ni Marcos na tuta ng US.

Inilabas ng Komite Sentral ng PKP ang mga nabanggit na saligang mga dokumento ng pagwawasto upang kumprontahin at gapiin ang di-nagwawastong mga suhetibista at oportunista. Dagdag pa, naglabas ang tagapangulong tagapagtatag ng PKP ng artikulong, “Kritikal at Mapanlikhang mga Tungkulin ng Kilusang Pagwawasto”. Ibayo nitong nilinaw ang kilusang pagwawasto bilang proseso ng edukasyon at ang mga tungkuling dapat isagawa upang ibayong itaas ang rebolusyonaryong kamulatan at mapanlabang kakayahan ng Partido at mamamayan.

Upang maitaguyod ang teorya at praktika ng Marxismo-Leninismo-Maoismo, muling ipinatupad ng Ikalawang Dakilang Kilusang Pagwawasto ang tatlong antas ng pag-aaral ng kurso para sa mga kadre at kasapi ng Partido. Para maging ganap na kasapi ng Partido, kinakailangang matapos ng mga kandidatong kasapi ang batayang kurso, na naglalapat ng Maoistang teorya sa kasaysayan at mga sirkunstansya ng sambayanang Pilipino. Kabilang naman sa intermedyang kurso ang sistematikong pag-aaral sa Maoistang teorya at paghahambing na pag-aaral ng mga rebolusyon sa iba’t ibang bansa. Kabilang sa abanteng kurso ang pag-aaral sa pilosopiya, ekonomyang pampulitika, syensyang panlipunan, estratehiya at taktika, at kasaysayan ng internasyunal na kilusang komunista mula sa mga akda nina Marx, Engels, Lenin, Stalin at Mao.

Muling sinariwa ng Ikalawang Dakilang Kilusang Pagwawasto ang kritika at pagtatakwil sa modernong rebisyunismo at mga pinakabagong anyo nito, laluna ang neorebisyunismo. Inilantad at nilabanan nito ang neoliberal na patakarang pang-ekonomya, ang neokonserbatibong patakaran sa seguridad at mga kaugnay na patakaran ng imperyalismong US. Pinuna at kinundena nito ang lahat ng mayor na tunguhin ng anti-komunistang petiburges na kaisipan, kabilang ang liberalismo, neoliberalismo, burges populismo, sosyal demokrasya, Gorbachovismo at Trotskyismo. Higit sa lahat, hinikayat ang buhay na pag-aaral sa Maoismo. Nangangahulugan ito ng paglalapat ng Maoismo sa panlipunang pagsisiyasat at pagdedesisyon upang lutasin ang kasalukuyang mga suliranin sa rebolusyonaryong pakikibaka. Tinalakay at niresolba ang mga mayor na usaping lokal at internasyunal sa patnubay ng Maoistang teorya. Naglalathala ng mga pahayag at resolusyon ang Partido hinggil sa mga isyu at mga artikulo at librong nagbibigay-impormasyon at pagsusuri. Inilalathala ito sa website na www.philippinerevolution.net. Ginagamit ang mga produksyong awdyo-biswal at mga ilustrasyon ng materyal sa pag-aaral upang makatulong sa teoretikal at pulitikal na pag-aaral ng mga kadre at kasapi ng Partido mula sa uring manggagawa at magsasaka.

2. Pagtataguyod sa anti-rebisyunistang linya

Labis ang galak ng mga imperyalistang US at mga reaksyunaryong Pilipino sa panlipunang kaguluhan sa China, sa disintegrasyon ng mga rebisyunistang rehimen sa Eastern Europe, at sa pagbagsak ng Soviet Union mula 1989 hanggang 1991. Ipinangangalandakan nila na ang PKP ay hihina at maglalaho dahil wala na umano itong mga dayuhang tagabigay ng tulong.

Ang totoo, mulat na itinuturing ng PKP ang mga pangyayaring ito bilang pagtindig at pagkumpirma sa anti-rebisyunistang linya ni Mao at bilang pagtaya na tutungo ang modernong rebisyunismo sa kapitalistang pagpapanumbalik. Ibayo pa ngang ikinalugod ng PKP ang teorya at praktika ni Mao hinggil sa nagpapatuloy na rebolusyon sa diktadura ng proletaryado upang bakahin ang rebisyunismo, hadlangan ang pagpapanumbalik ng kapitalismo at konsolidahin ang sosyalismo.

Pinagtawanan lamang ng mga Maoistang Pilipino ang kabalighuan ng mga imperyalistang US at mga reaksyunaryong Pilipino na kunwa’y nakaligta na naitatag ang PKP sa patnubay ng Marxismo-Leninismo-Maoismo, na itinatag ito sa linya ng paglaban sa modernong rebisyunismo, na tumayo at umunlad ito nang nagsasarili, at naunawaan at namulat ito sa Dakilang Proletaryong Rebolusyong Pangkultura. Gayunpaman, matamang tinutukan ng PKP ang mga pagtatangka ng mga di-nagwawastong oportunista na magpalaganap sa loob ng Partido ng kanilang burges liberal, Gorbachovista at Trotskyistang mga interpretasyon ng matitingkad na pangyayari noong 1989 hanggang 1991.

May krusyal na kahalagahan ang sinulat ni Armando Liwanag na Manindigan sa Sosyalismo laban sa Modernong Rebisyunismo noong 1992 upang ipaliwanang ang mahabang pakikibaka sa pagitan ng proletaryado at burgesya sa mga sosyalistang bansa, at kung paano sumulong ang sosyalitang rebolusyon at konstruksyon hanggang sa magwagi ang mga modernong rebisyunista na agawin ang kapangyarihan at manumbalik ang kapitalismo.

Pinakamahalaga pa, nilinaw ng artikulo kung paanong ang monopolyo kapitalismo ay binabayo ng papalalang krisis at higit na magbubunga ng mas malalaking paglaban ng proletaryado at mamamayan. Ang anti-imperyalistang pakikibaka ng mamamayan at makauring pakikitunggali ng mga proletaryado laban sa burgesya ay magpapatuloy upang hawanin ang landas sa sosyalismo at komunismo. Nakapagpabago at nagpalakas ito sa kapasyahan ng buong Partido upang ipursige ang anti-rebisyunistang linya at ibasura ang hungkag na paggigiit na walang alternatibo sa kapitalismo o kaya naman ay di makakausad ang kasaysayan nang lampas sa kapitalismo at demokrasyang liberal.

Ipinagmamalaki ng mga Maoistang Pilipino na kahanay sila ng mga proletaryong rebolusyonaryo sa pagtataguyod sa Marxismo-Leninismo-Maoismo laban sa imperyalismo, rebisyunismo at reaksyon sa gitna ng papalalang krisis ng pandaigdigang sistemang kapitalista. Ang ganap na pagkabangkarote ng isinusulsol ng US na patakarang liberal na globalisasyon ng “malayang pamilihan” ay nagdulot ng matagalang depresyon sa daigdig at sa pagtindi ng tendensya ng mga imperyalistang kapangyarihan na gamitin ang terorismo ng estado at pakawalan ang mga gerang mapanakop. Muling uusbong ang rebolusyon bilang pangunahing agos sa mundo dahil sa pag-igting ng mga kontradiskyon.

3. Pagharap sa malapyudal at malakolonyal na katangian ng lipunang Pilipino

Pinalalabas ng mga ayaw magwastong suhetibista at oportunista na hindi na malapyudal ang ekonomya ng Pilipinas upang atakehin ang pangkalahatang linya ng bagong demokratikong rebolusyon sa pamamagitan ng matagalang digmang bayan. Pinasubalian ito ng PKP at binigyang-diin ang katotohanan na ang pasistang diktador na si Marcos ang nagpalala at nagpalalim sa atrasado at agrikultural na katangian ng ekonomya sa pamamagitan ng pagbaling sa mga rekurso palayo sa pambansang pag-unlad sa industriya at tunay na reporma sa lupa.

Nananatiling pre-industriyal at malapyudal ang ekonomya. Patuloy itong dinadambong at pinaghihirap ng mga imperyalistang kapangyarihang pinangungunahan ng US at ng iba pang lokal na mapagsamantalang uring malaking kumprador sa kalunsuran at panginoong maylupa sa kanayunan. Ibayong pinalubha ng mga rehimeng pumalit kay Marcos ang atrasadong katangian ng ekonomya ng Pilipinas at lalong nawasak ang kalikasan sa pagsunod sa mga neoliberal na patakarang pang-ekonomya na nagdidikta ng pleksibilidad sa paggawa, liberalisasyon sa kalakalan at pamumuhunan, pagsasapribado ng mga pampublikong ari-arian, deregulasyon at denasyunalisasyon.

Nakadepende sa imported na kagamitan, sangkap at panggatong ang mga industriya. Ang tinatawag na pagmamanupaktura ay walang iba kundi pag-asembol ng mga imported na sangkap para sa re-eksport. Ang totoo, bumagsak nang husto ang bahagi ng pagmamanupaktura sa gross national product mula nang humalili ang pagmamanupakturang nakatuon sa eksport mula sa import-substitution na pagmamanupaktura. Iginigiit sa maraming pahayag na inilabas ng PKP at ng librong Philippine Economy and Politics na isinulat ng punong tagapagtatag ng PKP kasama si Juliet De Lima, na nanatiling malapyudal ang ekonomya ng Pilipinas.

Mula noong panahon ng rehimeng Ramos noong 1992 hanggang 1998, idineklara ng mga pangunahing oportunistang ayaw magwastong na ang isyu ng pambansang soberanya ay hungkag at lipas na at lansakang itinatangging malakolonyal ang katangian ng naghaharing sistema. Ipinagdidiinan nila na walang saysay ang paggigiit ng pambansang soberanya sa ilalim ng patakaran ng globalisasyong neoliberal na dikta ng US. Iniendorso nila ang patakarang ito kahit pana-panahon nilang pinupulaan kuno ang ilan sa pinakamasasamang katangian nito para lamang magmakaawang repormahin o paunlarin ito.

Sila’y naging mangungulimbat ng non-government organizations (NGOs) at mga konsultant sa paniktik ng ilang ahensya ng US at gubyerno ng Maynila. Karamihan sa kanila ay malapit na tagapayo ng kasalukuyang rehimeng Aquino kung paano gagamitin ang saywar laban sa rebolusyonaryong kilusan ayon sa balangkas ng kontra-rebolusyonaryong programang Oplan Bayanihan na dinisenyo ng US. Ang ilan ay humahawak ng mga susing pusisyon sa mga ahensya ng gubyerno na responsable sa manipulasyon ng midya, huwad na gawing anti-kahirapan, pagtatakip sa mga paglabag sa karapatang-tao, pagsabotahe sa usapang pangkapayapaan at pagpaypay ng isteryang anti-China upang bigyang-matwid ang interbensyong militar ng US sa Pilipinas.

4. Pagpapatupad ng pangkalahatang linya ng bagong demokratikong rebolusyon

Tapat sa mga turo ni Mao, inilulunsad ng PKP ang bagong demokratikong rebolusyon sa pamamagitan ng matagalang digmang bayan laban sa malakolonyal at malapyudal na sistema ng naghaharing sistema ng malalaking kumprador at panginoong maylupang sunud-sunuran sa imperyalismong US. Ang namumunong uri ng rebolusyon ay ang proletaryadong industriyal. Pinananatili nito ang saligang alyansa sa uring magsasaka bilang pangunahing pwersa ng rebolusyon. Kinakabig nito ang suporta ng petiburgesyang lunsod para bumuo ng alyansa ng mga saligang pwersa ng rebolusyon. Kinakabig din nito ang suporta ng pambansa o panggitnang burgesya para buuin ang patriyotikong alyansa.

Ang tatlong matitibay na sandata ng bagong demokratikong rebolusyon ay ang partido ng rebolusyonaryong proletaryado, hukbong bayan at ang pambansang nagkakaisang prente. Pinag-iibayo nito ang rebolusyonaryong lakas ng mamamayan sa pamamagitan ng pagmumulat, pag-oorganisa at pagpapakilos sa kanila. Ang demokratikong gubyernong bayan ay patuloy na lumalawak sa kanayunan, humahamon sa reaksyunaryong gubyerno ng malalaking kumprador at panginoong maylupa, at humahalili rito sa paparaming lokalidad.

Ang mga organo ng demokratikong kapangyarihang pampulitika ay naitayo na sa mahigit 110 larangang gerilya, sumasaklaw sa malawak na bahagi ng 70 sa 81 prubinsya ng Pilipinas, sa mahigit 800 sa halos 1,500 munisipalidad, at sa libu-libong baryong sa kabuuang mahigit 40,000 sa bansa. Sinusuportahan sila ng mga organisasyong masa ng manggagawa, magsasaka, kababaihan, kabataan, mga bata, aktibistang pangkultura, guro at iba pang propesyunal at malawak na masa ng sambayanan.

Walang ginawa ang US at lokal na reaksyunaryong uri para mabago ang katangian ng lipunang Pilipino. Kaya nananatili ang pangkalahatang linya ng rebolusyong Pilipino. Ang patakarang neoliberal sa ekonomya ang patuloy na nagpapalubha at nagpapalalim sa agraryo at malapyudal na katangian ng ekonomya ng Pilipinas. Patuloy na winawasak ng krisis ng pandaigdigang sistemang kapitalista ang ekonomya. Sa sobrang desperasyon ng mga naghaharing reaksyunaryo, pinahihintulutan nila ang 100% pag-aari ng dayuhang korporasyon sa pagsamantalahan at dambungin ang likas na yaman at wasakin ang kapaligiran.

Hibang ang kasalukuyang rehimeng Aquino sa pagwasak sa rebolusyonaryong kilusan sa pamamagitan ng Oplan Bayanihan at tuluyang sinabotahe ang negosasyong pangkapayapaan sa pamamagitan ng paglabag sa mga kasunduan sa pagitan ng NDFP at gubyerno sa Maynila. Tumatanggi itong gawin ang tungkulin na harapin ang mga ugat ng gera sibil upang magsilbing daan sa tunay at pangmatagalang kapayapaan sa pamamagitan ng kasunduan hinggil sa mga saligang repormang panlipunan, pang-ekonomya at pampulitika. Tumatanggi ito sa inihahapag ng NDFP na kagyat na tigil-putukan at alyansa para kamtin ang pambansang kalayaan, demokrasyang bayan, pambansang industriyalisasyon at reporma sa lupa at independyenteng patakarang panlabas para sa kapayapaan at kaunlaran.

5. Pagtatayo ng Partido bilang abanteng pwersa ng proletaryado at mamamayan

Ang Partido ang abanteng destakamento ng uring manggagawa. Ito ang sulong na pwersa ng proletaryado at mamamayan. Tangan nito ang responsibilidad ng uring manggagawa para pamunuan ang demokratikong rebolusyong bayan at sumulong sa sosyalistang rebolusyon. Bilang pinakaprogresibo at pinakaproduktibong pwersa, ang uring manggagawa ang may makasaysayang misyon na isulong ang sosyalistang rebolusyon.

Tumatalima ang PKP sa mga turo ni Mao kaugnay ng pagtatayo ng rebolusyonaryong Partido ng proletaryado sa ideolohiya, pulitika at organisasyon. Marxismo-Leninismo-Maoismo ang linyang pang-ideolohiya ng PKP. Pangkalahatang linya nito ang bagong demokratikong rebolusyon sa pamamagitan ng matagalang digmang bayan at demokratikong sentralismo ang linyang pang-organisasyon. Sa pamamagitan ng paglalapat ng Marximo-Leninismo-Maoismo sa kongkretong kalagayan ng Pilipinas at sa kongkretong praktika ng rebolusyong Pilipino, ang PKP ang naging pinakamalaki at pinakamalakas na rebolusyonaryong partido ng proletaryado sa buong kasaysayan ng Pilipinas.

Sa pamamagitan ng IDKP, muling pinagtibay ng Partido ang lahat ng saligang prinsipyo nito at muling nakapagpasigla sa ideolohiya, pulitika at organisasyon. Binigyang-diin nito ang buhay na pag-aaral ng Maoismo sa pamamagitan ng kongkretong pagsusuri sa kongkretong kalagayan para sa paglulunsad ng rebolusyon. Gayundin, pinasigla ang pormal na pag-aaral ng mga kurso para matiyak ang pag-angat ng antas ng rebolusyonaryong praktika at teoretikong kaalaman. Umabante ito sa pulitika sa pamamagitan ng epektibong paggamit ng hukbong bayan at nagkakaisang prente. Pinalalakas nito ang Partido bilang organisasyon na malalim na nakaugat sa masang anakpawis sa buong bansa.

Sa ilalim ng IDKP mula 1992 hanggang 1998, dumaan ang PKP sa proseso ng lahatang-panig na pagpapalakas sa pamamagitan ng konsolidasyon at pagpapalawak sa hanay ng mga proletaryong rebolusyonaryong Maoista habang binabaka at iwinawasto ang mga mayor na pagkakamali ng suhetibismo at oportunismo noong dekada 1980, at muling itinatag ang ilang bahagi ng Partido na napinsala o sinalanta ng mga di nagwawastong oportunista at taksil. Nasupil ang mga ito at nagkani-kanya sila ng alis sa Partido bilang maliliit na grupo bago matapos ang 1994. Marami sa mga natangay at naguluhan ang pumuna sa kanila at nagpuna rin sa sarili.

Kumulatibong lumaki ang kasapian ng PKP mula 1994 pasulong bilang tugon sa mga pangangailangan ng gawaing masa at mga kampanya, gubyernong bayan at rebolusyonaryong armadong pakikibaka. Ang solidong pag-oorganisa ng Partido ay kinailangang gawin batay sa solidong pag-oorganisa ng masa. Ang pinakaabanteng mga aktibista ay hinikayat na sumapi sa Partido. Ayon sa isang ulat kamakailan, lumaki ang kasapian ng Partido mula 50,000 noong 2009 tungong 100,000 sa kasalukuyan. Sa ilalim ng IDKP mula 1992-1998, dumaan ang PKP sa proseso ng lahatang-panig na pagpapalakas sa pamamagitan ng pagbaka at pagwawasto sa mga mayor na pagkakamali noong dekada 1980.

Inianunsyo ng PKP ang planong pagpaparami ng kasapian tungong 250,000 kaugnay ng pangkalahatang plano na isulong ang digmang bayan mula sa yugto ng estratehikong depensiba tungong estratehikong pagkapatas. Ang kasalukuyang patakaran ay mapangahas na palawakin ang Partido nang hindi nagpapapasok ng kahit isang di kanais-nais na elemento. Sapat na ang pagtanggap ng isang aplikante sa Konstitusyon ng Partido at Programa para sa Demokratikong Rebolusyon para maging kandidatong kasapi ng Partido. Ang pagiging ganap na kasapi ay mangyayari sa pamamagitan ng paggampan sa gawain sa loob ng sangay o grupo ng Partido at pagtatapos ng pag-aaral ng mga batayang kursong Pampartido sa panahon ng pagiging kandidato.

6. Paglulunsad ng matagalang digmang bayan at pakikidigmang gerilya

Pinuna at itinakwil ng IDKP ang “Kaliwang” oportunistang linya na nagsapantahang sapat na ang gawaing masa at panahon na para itayo ang mga absolutong konsentradong kumpanya at batalyon, na may sapat na yunit ng istap sa iba’t ibang antas upang pabilisin ang tagumpay ng rebolusyong Pilipino. Idiniin ng Partido na magagapi ang rebolusyon kung iiwan ang gawaing masa at ang pampulitikang superyoridad nito sa kaaway at ilalagay ang sarili sa sitwasyong lantay militar, lalaban tulad ng kaaway at hahayaang manaig ang militar na superyoridad ng kaaway.

Pinuna at itinakwil din ng IDKP ang Kanang oportunistang linya na ang armadong pakikibaka ay dapat bawasan at gawing pangalawa sa ligal na demokratikong kilusang masa. Idiniin ng Partido na ang rebolusyonaryong armadong pakikibaka ang prinsipal na anyo ng pakikibaka para agawin ang kapangyarihang pampulitika kaya ang pagpapaliit, pagbawas at pagpapahina ng ganitong porma ng pakikibaka ay magbubunsod din ng pagkatalo.

Sa ilalim ng IDKP mula 1992 pasulong, buong siglang idiniin ng Partido ang wastong linya ng digmang bayan sa buong hukbong bayan alinsunod sa mga turo ni Mao. Sa mga kumand at yunit na naimpluwensyahan o naapektuhan ng “Kaliwang” oportunistang linya, muling inoryentasyunan, nireorganisa at niredeploy ng Partido ang mga Pulang kumander at mandirigma. Ang di napapanahong binuong mga kumpanya at batalyon ng BHB ay ginawang platun o pinalakiing platun para magsilbing sentro de grabidad para sa mga platun, iskwad at tim na ikinalat sa malawak na erya para imantine at paunlarin ang mahigpit na pakikipag-ugnayan sa masa.

Dahil dito, lumakas at sumulong ang BHB. Manipestasyon nito ang pagdami ng mga taktikal na opensiba at pagtaas ng kakayahang bumihag ng mga upisyal ng kaaway hanggang sa mga nakatataas na ranggo. Sa kabilang panig, dahil sa pagtatagal sa gawaing masa, na naging napakahirap dahil sa nakaraang mga pagkakamali at anti-impormer na kahibangan, naging disbentahe naman sa ilang erya ang pagkapasibo ng ilang yunit ng BHB dahil nagkaroon ng tendensyang labis na magkonsentra sa gawaing masa at maging konserbatibo sa usapin ng pagpaplano at paglulunsad ng mga taktikal na opensiba. Sa pangkalahatan, napagtagumpayan ng BHB ang konserbatismo at nagagamit ang baseng masa para paigtingin ang digmang bayan sa buong bansa.

Sa absolutong pamumuno ng Partido, ang Bagong Hukbong Bayan ang naging pinakamalaki at pinakamalakas na rebolusyonaryong hukbo mula nang magapi ang rebolusyonaryong hukbo ng Pilipinas sa digmaang Pilipino-Amerikano noong 1899-1902. Kabilang sa mga pulitiko-militar na pagsasanay ng mga Pulang kumander at mandirigma ang pag-aaral ng mga turo ni Mao hinggil sa digmang bayan at estratehiya at taktika ng pakikidigmang gerilya. May ilanlibong Pulang mandirigma ang BHB na may malalakas na riple at dinadagdagan ng ilampung libong milisyang bayan at ilandaan libong yunit pandepensa-sa-sarili ng mga organisasyong masa. Kumikilos ito sa 110 hanggang 120 larangang gerilya na sumasaklaw sa malaking bahagi ng 70 ng 81 mga prubinsya ng Pilipinas.

Naglulunsad ito ng malaganap at masinsing pakikidigmang gerilya batay sa papalawak at papalalim na baseng masa, na pinatatag sa pamamagitan ng paglulunsad ng reporma sa lupa at pagtatayo ng mga organo ng kapangyarihang pampulitika at organisasyong masa. Layon nitong maubusan ng dugo ang kaaway sa pamamagitan ng papatinding mga taktikal na opensiba. Determinado itong isulong ang digmang bayan mula sa estratehikong depensa tungong estratehikong pagkapatas alinsunod sa limang-taong plano. Nilalayon nitong itaas ang armadong lakas sa 25,000 at dagdagan ang bilang ng mga larangang gerilya tungong 180.

Ang mga sangay ng Partido, mga organo ng kapangyarihang pampulitika at organisasyong masa ay mulat sa paggampan ng gawain sa lokalidad upang makapaglaan ng panahon ang mga yunit ng hukbong bayan sa pagsasanay na pulitiko-militar at paglulunsad ng mga taktikal na opensiba. Kaugnay nito, ang mga yunit sa pagdepensa sa sarili ng mga organisasyong masa ay maaaring gumampan ng mga angkop na gawaing panseguridad. Umaaktong mga lokal na pwersang pulis ang milisyang bayan at maaaring magsagawa ng ilang gawaing pangkombat ayon sa kanilang kakayahan. Gayunman, nagrerelyebo ang mga yunit ng hukbong bayan sa paglaban, pagsasanay, gawaing masa, produksyon at gawaing pangkultura upang patuloy silang maging malapit sa masa.

Tulad ng ipinahayag ng PKP, paiigtingin ng BHB hindi lamang ang mga taktikal na opensiba upang durugin ang mga yunit ng kaaway. Dapat pahinain din nila ang mga yunit, pasilidad at komboy ng kaaway sa mga atritibong aksyon. Para magkaroon ng mas maraming lupain para sa reporma sa lupa, maprotektahan ang kapaligiran at maalagaan ang mga likas na yaman para sa industriyalisasyon sa hinaharap, sinisikap ng BHB na lansagin ang mga operasyon ng mga plantasyon, trosohan at minahang pag-aari ng mga dayuhang kumpanya at malalaking kumprador. Determinado rin itong arestuhin at iharap sa sistema ng hukumang bayan yaong mga lumalabag sa karapatang-tao, mandarambong, opereytor ng droga at iba pang kriminal na may pananagutan sa pinakaseryosong mga krimen na kinukunsinti at hinihikayat ng mga reaksyunaryong awtoridad.

7. Pagsusulong ng rebolusyonaryong linyang makauri sa nagkakaisang prente

Iginiit ng IDKP ang pangangailangan ng pagsusuri sa uri at tunggalian ng mga uri, ng pamumuno ng uring manggagawa at rebolusyonaryong linyang makauri sa nagkakaisang prente. Nilabanan nito ang Kanang oportunistang linya na nais magtanggal sa pamumuno ng uring manggagawa na nakasaad sa programa ng National Democratic Front na may lantad na layuning kabigin ang mas marami at ibayong himukin ang burges na panggitnang pwersa na sumapi sa rebolusyon. Itinakwil din nito ang panukala ng ilang “Kaliwang” oportunista na palitan ng nagkakaisang prente ang papel ng Partido bilang taliba.

Ipinatutupad ng Partido ang patakaran ng pakikipagkaisang prente upang isulong ang armadong pakikibaka, paglingkuran ang interes ng malawak na masa ng sambayanan at abutin at pakilusin ang milyun-milyong mamamayan. Sinasaklaw ng pakikipagkaisang prente ang antas-antas na alyansa sa rebolusyonaryong pamumuno ng uring manggagawa, tulad ng saligang alyansa ng mga manggagawa at magsasaka, progresibong alyansa ng masang anakpawis at petiburgesya ng kalunsuran, patriyotikong alyansa ng gayong mga progresibong pwersa kasama ang pambansang burgesya at ang pansamantala at mabuway na alyansa sa mga reaksyunaryong pwersa na laban sa kaaway, na maaaring siyang pinakareaksyunaryong pwersa sa isang takdang panahon o isang lumulusob na imperyalistang kapangyarihan.

Ang rebolusyonaryong linyang makauri ay tumatagos sa estratehikong linya ng pagkubkob sa kalunsuran mula sa kanayunan at sa pagtitipon ng armadong lakas dito hanggang makamit ng mga rebolusyonaryong pwersa at mamamayan ang napakalaking kakayahan para ilunsad ang estratehikong opensiba upang wasakin ang pinakahuling pinagkukutaan ng kaaway, isa-isang kubkubin ang mga lunsod at agawin ang kapangyarihan sa pambansang saklaw. Kabilang sa pambansang nagkakaisang prente ang antipyudal na nagkakaisang prente; ang uring manggagawa at ang partido nito ay sumasalig pangunahin sa maralitang magsasaka at manggagawang bukid, kumakabig sa mga panggitnang magsasaka, nagnunyutralisa sa mayayamang magsasaka, at nagsasamantala sa pagkakahati ng mga panginoong maylupa upang ihiwalay at wasakin ang kapangyarihan ng despotikong mga panginoong maylupa.

Sa anumang pakikipag-alyansa sa pambansang burgesya o seksyon ng reaksyunaryong uri na kontra sa kaaway, dapat ipatupad ng Partido at uring manggagawa ang independensya at inisyatiba upang maiwasang maipit sa anumang kaayusang hindi katanggap-tanggap o mahuling hindi nakahanda sakaling sila ay traydurin. Ang layunin ay gapiin ang kaaway nang paisa-isa, makapagkamit ng lakas sa proseso at magkaroon ng kakayahan na magtamo ng malalaking tagumpay sa mga pakikibakang anti-imperyalista at tunggalian ng mga uri.

Tulad ng nangyari nang ibagsak ang pasistang rehimeng Marcos noong 1986, muling nagtagumpay ang PKP sa paglalapat ng patakaran sa malawak na pakikipagkaisang prente, kung saan nagkaroon ng mga pansamantalang alyansa sa mga di maaasahang reaksyunaryong alyado upang ihiwalay at ibagsak ang korap na rehimeng Estrada noong 2001. Ang layunin ay samantalahin ang kontradiksyon sa hanay ng mga reaksyunaryo, sunud-sunod na gapiin ang kaaway at sa proseso ay palakasin ang mga rebolusyonaryong pwersa. Gayunpaman, hindi nagtagumpay ang PKP na ibagsak ang mas brutal, korap, at kinamumuhiang rehimeng Arroyo dahil inutusan ng US ang mga reaksyunaryong anti-Arroyo na iwasan ang ekstra-konstitusyunal na pagpapatalsik sa nakaupong presidente at gamitin ang eleksyon bilang paraan ng pagbabago ng rehimen at dahil din sa mga pagkukulang ng mga ligal na progresibong pwersa sa pagtupad ng patakaran ng malawak na pakikipagkaisang prente.

Hindi pirming alituntunin ng PKP na gamitin ang patakaran sa malawak na pakikipagkaisang prente para lamang targetin ang naghaharing reaksyunaryong pangkatin. Posibleng gamitin ang nasabing patakaran upang puntiryahin at wakasan ang dominasyon ng US sa Pilipinas at magkaroon ng pansamantalang pakikipag-alyasa sa naghaharing pangkatin para sa gayong layunin. Subalit hanggang sa ngayon, ang bawat naghaharing pangkatin ay palalong papet ng imperyalismong US at tumatangging magkaroon ng anti-imperyalista at patriyotikong paninindigan at makipag-alyansa sa mga rebolusyonaryong pwersa.

Sa proseso ng usapang pangkapayapaan, paulit-ulit nang inaalok ng NDFP ang gubyerno sa Maynila ng kagyat na tigil-putukan at alyansa para kamtin ang mithiin ng mamamayang Pilipino para sa ganap na pambansang kalayaan at tunay na demokrasya. Subalit walang kahihiyan ang mga naghaharing papet at walang kakayahang tahakin ang patriyotiko at progresibong landas. Sa ngayon, ang kanilang intensyon sa pagpasok sa negosasyong pangkapayapaan ay pabanguhin ang kanilang antinasyunal at anti-demokratikong katangian at layunin. May kapal ng mukha pa silang subukin ang walang saysay na pagpapasuko sa mga rebolusyonaryong pwersa.

8. Pagtalima sa prinsipyo ng demokratikong sentralismo

Pinuna at itinakwil ng IDKP ang burukratismo at komandismo na ipinatupad ng mga di nagwawastong oportunista sa mga organo ng PKP at mga yunit na pinamunuan nila, maging ang ultra-demokrasya at anarkiya na pinagpasasaan nila sa loob ng mahabang panahon. Rumurok ang kanilang anarkiya nang magpaksyon sila at magpatindi ng kanilang paglaban sa Partido at sa kilusang pagwawasto. Sa huli, hayagan silang kumalas sa Partido at naglantad ng sariling pagkabulok at kataksilan.

Tumatalima ang Partido sa prinsipyong pang-organisasyon ng demokratikong sentralismo. Ito ang sentralisadong pamumunong nakabatay sa demokrasya at demokrasyang pinapatnubayan ng sentralismo. Ang esensya ng sentralismo ay pagtalima sa Marxismo-Leninismo-Maoismo at pag-iisa at pagkonsentra sa kapasyahan ng Partido at ng masa para magrebolusyon. Ang demokrasya ay ang proseso kung saan ang mga opinyon at rekomendasyon ay inihahayag at ang mga desisyon ay binubuo. Sa bawat kolektiba, ang indibidwal ay dapat sumunod sa desisyon ng mayorya. Umaasa ang mga nakatataas na organo sa mga ulat at rekomendasyon ng mga nakabababang namumunong organo. Ang mga nakabababang organo at organisasyon ay nakapailalim sa nakatataas at dapat sumunod sa kanilang mga desisyon.

Sa bawat organo ng Partido, binubuo ang mga desisyon sa pamamagitan ng mayorya o konsensus. May kalayaan sa pagtalakay ng mga isyu. Ngunit kapag nabuo na ang desisyon, may kolektibong disiplina para sundin at ipatupad ang desisyon. Maaari lamang irekonsidera ang desisyon kapag may iniharap na bagong mga datos at may mga bagong argumento na wala o di lubos na nakonsidera noong una.

Nakapailalim sa kolektiba at sa Partido ang lahat ng indibidwal na kasapi ng Partido. Maaaring panghawakan ng isang indibidwal ang kanyang opinyon na salungat sa isang desisyon ngunit dapat niyang sundin at ipatupad ang desisyon. Mahalaga ang malayang paghahapag ng mga datos at argumento at para tuklasin ang katotohanan. Kasabay nito, mahalaga ang sentralisadong pamumuno at kolektibong disiplina upang ituon ang kapasyahan at lakas ng Partido para gapiin ang kaaway at isulong ang rebolusyon.

Hindi lamang bungkos ng mga tuntunin na sumasaklaw sa relasyong pang-organisasyon sa pagitan ng indibidwal at ng kolektiba, ng minorya at ng mayorya ang demokratikong sentralismo. Tinitiyak nito ang rebolusyonaryong komitment at pagkakaisa ng buong Partido na ipatupad ang programa at linya nito. Walang paksyon o indibidwal ang pinahihintulutang manatili sa Partido samantalang tinutuligsa nito ang mga batayang prinsipyo at programa ng Partido. Malayang umalis sa Partido ang sinumang indibidwal o alinmang grupo kapag hindi na nito kayang tanggapin ang naturang mga prinsipyo at programa. Usapin ito ng demokratikong karapatan ng Partido na suportahan, ipagtanggol at itaguyod ang mga ito.

9. Pagtanaw sa sosyalistang rebolusyon

Inilantad ng IDKP na ang mga di nagwawastong oportunista ay bumagsak na sa pagiging antisosyalista at anti-komunista . Nagkaisa sila sa layuning likidahin ang Partido ngunit nabiyak sa maliliit na grupo na nagtatambol ng burges na populismo, liberalismo, neoliberalismo, sosyal na demokrasya, Gorbachivismo at Trotskyismo. Itinambol nila ang imperyalistang propaganda na imposible at walang kahihinatnan ang sosyalistang adhikain at walang alternatibo sa kapitalismo. Ang pinakamasasahol sa kanila ay nauwi sa pangungulimbat sa mga NGO na pinopondohan ng mga imperyalista at sumama sa reaksyunaryong gubyerno bilang mga anti-komunistang propagandista at mananaliksik at espiya ng mga reaksyunaryong tanggapan sa paniktik.

Matatag na pinalaganap ng Partido ang Manindigan sa Sosyalimo laban sa Modernong Rebisyunismo, na nagpapakita ng maniningning na tagumpay ng sosyalismo at ang paraan kung paano ito pinasama at winasak ng mga modernong rebisyunista. Idiniin ng Partido na magpapatuloy ang tunggalian ng uring manggagawa at burgesya at matagumpay na pamumunuan ng proletaryado ang masa sa pambansang paglaya, demokrasya at sosyalismo sa panahon ng modernong imperyalismo at proletaryong rebolusyon.

Ang adhikain para sa sosyalistang hinaharap ay hindi masusupil hanggat ang proletaryado at ang sambayanan ay pinagsasamantalahan at inaapi. Itinutulak sila ng mga imperyalista at ng mga kampon nito para labanan ang tumitinding pang-aapi at pagsasamantala habang papalubha ang krisis ng monopolyo kapitalismo. Ipinakita ni Mao sa mga rebolusyonaryong proletaryado ang paraan ng paglaban sa mga imperyalista at mga lokal na reaksyunaryo, ang pagtatayo ng sosyalismo, paglaban sa rebisyunismo, pagpigil sa panunumbalik ng kapitalismo, at pagtiyak ng pag-unlad ng sosyalismo tungo sa komunismo.

Ang neoliberal na mga patakaran sa ekonomya ay patuloy sa pagpapatindi ng pagsasamantala at nagresulta ng mas masahol na krisis ng sobrang produksyon dulot ng sobrang akumulasyon ng kapital ng monopolyong burgesya at ng pinagmumulan ng kapital sa pinansya nito. Ang pandaigdigang depresyon ngayon ay maikukumpara sa Great Depression na nagluwal ng pasismo at Ikalawang Digmaang Pandaigdig. Higit sa nakaraan, nagiging mas mapanupil ang mga burges na estado. Sa tabing ng anti-terorismo, naghahasik sila ng teror laban sa mamamayan. Ang mga imperyalistang kapangyarihan ay naglulunsad ng mga gerang agresyon sa ilang bansa na di sumusunod sa kanilang dikta. Sa anu’t anuman, tumitindi ang tunggalian sa kanilang hanay habang itinutulak sila ng lumalalang krisis na paghati-hatian ang mundo.

10. Pagsasakatuparan ng rebolusyong Pilipino sa diwa proletaryong internasyunalismo

Pinuna ng IDKP ang palagay na aabante lamang ang rebolusyong Pilipino sa pamamagitan ng materyal na suporta, laluna ng tulong militar, mula sa ibayong dagat. Pinalaganap ang ideyang na ito ng ilan sa mga “Kaliwang” oportunista na nangalap ng dayuhang tulong mula noong 1980 hanggang 1987 at naging palasuko nang di na makapangalap ng ganoong tulong. Salungat ito sa naging desisyon ng PKP na umaayon sa turo ni Mao na dapat ilunsad ng mamamayan ang rebolusyon sa sariling pagsisikap. Hindi sila dapat maging palaasa sa dayuhang tulong, mayroon man o wala.

Inilulunsad ng PKP ang rebolusyong Pilipino sa diwa ng proletaryong internasyunalismo. Ang rebolusyon ay para sa pakinabang ng proletaryado at ng mamamayan ng Pilipinas at daigdig. Ikinararangal nitong maglunsad ng armadong rebolusyon sa panahong nagdurusa ang proletaryado at mamamayan ng daigdig dahil sa pinsalang idinulot ng napakalaking pagtraydor sa sosyalismo ng mga partido komunista at manggagawa na bumigay sa modernong rebisyunismo; at sa lahatang-panig na mapanirang mga opensiba ng US at ng iba pang mga imperyalistang kapangyarihan. Umaasa ito na ang rebolusyong Pilipino ay magbibigay-inpirasyon sa mamamayan ng daigdig na lumaban at magrebolusyon. Inilalarawan nito ang sarili bilang tagapamandila ng pandaigdigang proletaryong rebolusyon sa panahong dumanas ito ng seryosong pag-atras at nasa makasaysayang panghihina.

Pinangunahan ng PKP ang paghahanda at paglulunsad ng International Seminar on Mao Zedong Thought sa ika-100 anibersaryo ng kapanganakan ni Mao Zedong noong 1993. Inilabas ng seminar ang General Declaration on Mao Zedong Thought na naglagom ng mga tagumpay sa teorya at praktika ng nagpapatuloy na rebolusyon sa ilalim ng diktadura ng proletaryado bilang pinakamalaking tagumpay at pamana niya sa pagpapatuloy ng sosyalistang adhikain. Inilathala ang mga kontribusyon sa seminar na may pamagat na Mao Zedong Thought Lives. Mula sa Komite Sentral ng PKP ang isang mayor na kontribusyon na pinamagatang “Marxism-Leninism-Mao Zedong Thought as Guide to the Philippine Revolution”.

Lumalahok ang PKP at may prominenteng papel sa taunang International Communist Seminar, sa International Conference of Marxist-Leninist Parties and Organizations at sa iba pang mga internasyunal na pagtitipon. Nag-aambag ito ng mayor na kontribusyon sa pamamagitan ng pagtanglaw sa landas ng internasyunal na kilusang komunista at ng pangdaigdigang rebolusyong proletaryo.

Nagpapahayag ng interes ang PKP sa mahigpit na pakikipag-ugnayan sa iba pang mga Maoistang partido sa daigdig at sa pangkalahatan ay mulat ito sa kanilang mga kalakasan at mga kahinaan. Ngunit hindi nito nililimita ang mga relasyon nito sa anumang umiiral na mga Maoistang partido. Nais nitong paunlarin ang mga relasyon sa lahat ng mga partidong komunista at manggagawa sa patnubay ng proletaryong internasyunalismo at/o anti-imperyalistang pakikipagkaisa.

Interesado ang PKP sa pagtatayo ng malawak na internasyunal na nagkakaisang prente ng mga pwersang anti-imperyalista para sa pambansang pagpapalaya, demokrasya at sosyalismo. Kinikilala nito na kailangan ang pinakamalawak na posibleng palitan ng mga ideya at karanasan at ang mutwal na pag-aaral at kooperasyon sa pagitan ng lahat ng mga pwersang rebolusyonaryo ng daigdig upang isulong ang anti-imperyalistang kilusan at ang pandaigdigang proletaryong rebolusyon.

Ibinabahagi ng PKP ang mga ideya at karanasan nito sa buong mundo. Sa layuning ito, ginagamit nito ang internet at nagpapadala ng mga delegasyon sa mga internasyunal na porum, seminar at kumperensya upang makapaghanap at makapagbuo ng mga kaisahan at paraan ng praktikal na kooperasyon sa paglaban at paggapi sa imperyalismo at lahat ng reaksyon at sa proseso ay mapalakas ang anti-imperyalisyang kilusan at ang internasyunal na kilusang komunista.

Kilala ang PKP sa pakikipagtalakayan sa iba pang mga komunista at mga manggagawang partido sa posibilidad ng pag-oorganisa ng isang bagong Communist Internationale. Ngunit hindi nito idinedeklara na may mga kundisyon na para rito. Tinatanaw nito ang panahong lilitaw na ang mga kundisyong ito. Naniniwala ito na sa ngayon, ang mga rebolusyonaryong partido ng proletaryado ay dapat magrebolusyon, magpalakas sa kani-kanilang mga bansa at magsikap na magtayo ng mga rebolusyonaryong estado upang magbigay-daan sa pag-oorganisa ng bagong Communist Internationale.

III. Mga prospek ng Maoismo at ang rebolusyong Pilipino

Maningning ang prospek sa ibayo pang pag-unlad ng Maoistang teorya at praktika sa Pilipinas. Pwedeng makatiyak ang proletaryado at ang mamamayang Pilipino na makukumpleto nila ang bagong demokratikong rebolusyon at makatutungo sila sa sosyalistang rebolusyon. Nakabatay ang optimismong ito sa sumusunod na mga salik: ang lumalalang krisis ng pandaigdigang kapitalismo at ng lokal na naghaharing sistema ng malalaking kumprador at panginoong maylupa, ang mga pagsulong ng demokratikong rebolusyon sa Pilipinas maging ng mga anti-imperyalista at sosyalistang kilusan sa buong mundo, at ang pagtaglay nito sa Maoismo bilang tagaturo ng direksyon ng rebolusyon–mula sa pagwawagi ng bagong demokratiko at sosyalistang mga yugto ng rebolusyon hanggang sa paglaban sa rebisyunismo at pagkokonsolida, pagpapaunlad at pagsusulong ng sosyalismo tungong komunismo.

Sa kapitalistang moda ng produksyon, ang paggamit ng mas mataas na antas ng teknolohiya ay nagpapatindi sa kontradiksyon sa pagitan ng sosyal na katangian ng produksyon at ng pribadong katangian ng pag-aangkin. Pinabibilis ng neoliberal na patakaran ng globalisasyon ang krisis ng labis na produksyon at ng labis na akumulasyon ng kapital ng monopolyong burgesya at oligarkiya sa pinansya. Ang talamak na paggamit ng kapital sa pinansya para lutasin ang krisis ng labis na produksyon ay humantong sa malubhang krisis sa ekonomya at pinansya na maikukumpara sa Great Depression noong 1930. Ang buong ekonomya ng daigdig ay tinamaan ng depresyon. Bigo ang mga imperyalistang kapangyarihan na pigilan ang antas-antas na pagdausdos ng pandaigdigang ekonomya.

Pinaiigting ng mga imperyalistang kapangyarihan at kanilang mga kliyenteng estado ang pandarahas sa masang anakpawis ng mga manggagawa at magsasaka at maging sa mga panggitnang saray ng lipunan, at bigo silang patigilin ang mga protesta at paglaban ng masa. Itinutulak ng mga imperyalista ang mga tunguhing pasista, xenophobic, rasista at panatisismong relihiyoso upang pagtakpan ang mga ugat ng kapitalistang krisis. Buo at papadalas ang paggamit ng ligal at pulitikal na imprastruktura para sa pasismo at terorismo ng estado. Pinag-iibayo ng mga imperyalistang kapangyarihan ang produksyong pandigma, pang-uupat ng gera at aktwal na paglulunsad ng mga gerang agresyon na pangunahing nakatuon sa mga atrasadong bansang mayaman sa rekurso at naggigiit ng pambansang independensya.

Sa kabila ng kanilang pagtatangkang lutasin ang kanilang mga kontradiksyon sa pamamagitan ng pagkakaisa laban sa mga inaaping mamamayan at bansa sa mga atrasadong bayan, itinutulak ng lumulubhang krisis ng pandaigdigang kapitalismo ang mga imperyalistang kapangyarihan makipagsagupaan para sa muling paghahati ng daigdig sa pagitan nila. Mayor na salik sa lumalalang krisis at sa pag-igting ng mga kontradiksyon sa pagitan ng mga imperyalistang kapangyarihan ang ganap na reintegrasyon ng China at Russia sa pandaigdigang sistemang kapitalista. Umusbong ang mga mayor na pagkakaiba sa pusisyon sa pagitan ng mga Kanluraning imperyalistang kapangyarihan sa isang banda at ng China at Russia sa kabilang banda.

Pinalulubha ng krisis ng pandaigdigang sistemang kapitalista ang krisis ng malakolonyal at malapyudal na sistema sa Pilipinas. Lugmok ang ekonomya dulot ng papabagsak na kita sa mga eksport ng mga hilaw na materyales nito at mga reeksport na may mababang dagdag-halaga; at lumalaking panlabas at lokal na mga utang. Higit na pinaliit ng depresyon at ng anti-migranteng propaganda sa mga bansang pinagtatrabahuhan ang eksport ng mga manggagawang kontraktwal. Nagpapalubha ng kahirapan at karalitaan ng malawak na masa ng mamamayan ang kawalan ng trabaho, mababang kita, nagtataasang presyo ng mga batayang pangangailangan at serbisyo, pagsahol ng mga serbisyong panlipunan at madalas na mga kalamidad dulot ng talamak na pandarambong sa likas na yaman at pagkawasak ng kapaligiran.

Ang krisis panlipunan at pang-ekonomya ay nagdudulot ng di-maabatang pagdurusa ng masang anakpawis ng mga manggagawa at magsasaka at ng lumalaking bilang ng mamamayan mula sa mga panggitnang saray ng lipunan. Pinupukaw silang maglunsad ng iba’t ibang porma ng paglaban. Lumalakas ang ligal na demokratikong kilusang masa sa paglahok sa mga welga at mga aksyong protesta ng masa. Higit na mas mataba ang lupa kaysa sa nakaraan para sa ibayo pang paglakas at pagsulong ng rebolusyonaryong armadong pakikibaka para sa pambansang kalayaan at demokrasya.

Tumatalas ang pampulitikang krisis ng naghaharing sistema dulot ng lumalalang sosyo-ekonomikong krisis. Tumitindi ang agawan sa kapangyarihan at pangungurakot sa gubyerno sa pagitan ng mga reaksyunaryo sa iba’t ibang mga antas. May tendensyang monopolisahin ng bawat rehimeng umuupo sa poder ang kapangyarihan at ekonomikong kulimbat at sindakin at pasukuin ang mga oposisyon sa loob ng sistema. Nag-aagawan sa suporta ng mga dayuhang monopolyong kumpanya at malalaking kumprador at panginoong maylupa ang magkakalabang pampulitikang paksyon. Nag-aagawan din sila sa armadong lakas sa pamamagitan ng pakikipagsabwatan sa iba’t ibang mga paksyon sa loob ng mga reaksyunaryong armadong pwersa at pambansang pulisya at sa pamamagitan ng pagtatayo ng sarili nilang mga pribadong hukbo. Ang mga rebolusyonaryong pwersa ay maaaring magkaroon ng di istable at di maaasahang mga reaksyunaryong alyado hangga’t posible, upang ihiwalay at magapi ang pangunahing kaaway sa bawat takdang panahon.

Malamang na mangyari sa PKP na makamit nito ang planong iabante ang digmang bayan mula sa estratehikong depensa tungong estratehikong pagkapatas sa loob ng susunod na lima hanggang sampung taon. Lalaki nang ilang ulit ang lakas ng PKP, BHB, NDFP, mga organo ng kapangyarihang pampulitika at mga organisasyong masa. Mas magiging matatag at mas produktibo ang alyansa at tulungan ng NDFP at mga rebolusyonaryong pwersa ng mamamayang Moro.

Ngayon pa lamang ay tumitindi ang interbensyong militar ng US sa Pilipinas sa tabing ng pagsugpo sa terorismo at pagpigil sa China. Magiging mas lantad at mas agresibo ito. Ginagawa ng mga rebolusyonaryong pwersa at ng mamamayan ang makakaya nila para makapagkamit ng pinakamaraming tagumpay sa digmaang sibil at mapaghandaan ang gerang agresyon ng US. Inilalatag nila ang batayan, ang mga pwersa at ang estratehiya at taktika para gapiin ang mga pwersang agresyon ng US at makamit ang hustisya para sa pagpaslang ng US ng 1.4 milyong Pilipino mula sa simula ng Digmaang Pilipino-Amerikano noong 1899 hanggang 1913.

Maaaring mabawasan ang pwersang militar na pwedeng ikonsentra ng US sa Pilipinas sa pamamagitan ng maigting na mga armadong pakikibaka laban sa US sa ibang dako, at sa pamamagitan ng mga kahirapang dulot ng lubhang lumalalang krisis sa ekonomya at pinansya. Masyado nang nababatak ang US sa mga base militar at mga forwarded station nito sa ibang bansa, at ng mga gerang agresyon na pangunahing nakatutok sa mga inaaping mamamayan ng daigdig at laban sa mga bansang naggigiit ng pambansang kalayaan.

Tiyak na susulong ang pandaigdigang rebolusyong proletaryo sa mga taong darating habang umiigting at inaabala ang US at ang mga imperyalistang alyado nito ng mga mayor na kontradiksyon. Sa pandaigdigang antas, umiigting, nagreresulta sa mas malaking kaguluhan at mas maraming pag-aalsa at lumilikha ng mga paborableng kundisyon para sa mga kilusang anti-imperyalista at sosyalista sa daigdig at sa partikular para sa bagong demokratiko at sosyalistang mga yugto ng rebolusyong Pilipino ang mga kontradiksyon sa pagitan ng mga imperyalistang kapangyarihan at ng mga inaaping mamamayan ng daigdig, sa pagitan ng mga imperyalistang kapangyarihan at mga bansa na naggigiit ng kanilang pambansang kalayaan, sa hanay mismo ng mga imperyalistang kapangyarihan at sa pagitan ng paggawa at kapital sa mga imperyalistang bansa.

Labos na naipapaliwanag ng Marxista-Leninistang teorya kung paanong nilalagot ng apat na mayor na kontradisyon ang kawing ng pandaigdigang kapitalismo at kung gayon, nakagagabay sa mga rebolusyonaryong partido ng proletaryado at ng mamamayan sa pagwawagi ng kani-kanilang bagong demokratiko at sosyalistang mga rebolusyon. Ang Maoistang teorya ng nagpapatuloy na rebolusyon sa diktadura ng proletaryado, para labanan ang rebisyunismo, hadlangan ang panunumbalik ng kapitalismo at konsolidahin ang sosyalismo, ang makatutugon sa mga kumukwestyon sa kakayahan ng proletaryadong matuto mula sa pagtataksil at pagbaligtad ng modernong rebisyunismo sa sosyalismo at itaguyod, ipagtanggol at paunlarin ang sosyalismo tungong komunismo. ###

NOTA: Ang papel na ito ay maaaring paramihin lamang para sa gamit ng tuwirang mga kalahok sa kumperensya. Pauunlarin ito ng sumulat matapos ang kumperensya at kaagad na ilalathala.

Be Sociable, Share!